MANILA, Philippines – Nanawagan si Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo ng imbestigasyon sa umano’y hindi pag-andar ng Tumana at Iwahig pumping stations sa kasagsagan ng malakas na habagat, na nagdulot ng pagbaha sa Barangay Tumana at Malanday.
Sa kanyang inihain na resolusyon sa Kamara, nais ni Quimbo na alamin kung bakit hindi umano gumana ang dalawang pumping station at kung may pananagutan ang kontratista at operator na J.D. Legaspi Construction.
Ayon kay Quimbo, itinayo ng DPWH-Unified Project Management Office (DPWH-UPMO) ang mga pumping station upang makatulong sa pagkontrol ng baha sa Tumana at mga kalapit na lugar.
Sinabi niyang iniulat ng mga residente noong Linggo na hindi gumagana ang dalawang pumping station habang patuloy na tumataas ang tubig-baha.
Sa isinagawang inspeksyon, lumitaw umano na hindi umaandar at walang bantay ang mga pasilidad, at wala ring tauhan ng kontratista sa lugar.
Samantala, sinabi ni Marikina Mayor Maan Teodoro na nagpadala ang DPWH ng technician at mobile pumps upang alisin ang tubig-baha sa Tumana at Malanday.
Ayon kay Teodoro, hindi pa naipapasa sa pamahalaang lungsod ang dalawang pumping station, kaya wala siyang impormasyon tungkol sa kontratista. Dagdag niya, lahat ng pumping stations na na-turn over na sa lungsod ay maayos na namementina at gumagana nang maayos.
Pagsapit ng Lunes ng umaga, unti-unti nang humuhupa ang baha sa Tumana at Malanday.
Daan-daang residente ng Marikina ang lumikas noong weekend matapos magpatupad ang lokal na pamahalaan ng preemptive evacuation dahil sa pagtaas ng tubig sa Ilog Marikina. RNT/MDS