MANILA, Philippines – Inaprubahan ng Korte Suprema (Supreme Court) ang mga patakaran sa civil forfeiture ng mga ari-arian na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operations (POGO), na ipinagbawal ng administrasyong Marcos.
Sa ilalim ng Republic Act No. 12312 o Anti-POGO Act of 2025, inatasan ang Korte Suprema na gumawa ng mga patakaran para sa pagkumpiska ng mga ari-ariang direktang o hindi direktang ginamit ng POGO, at ng mabilis na proseso para sa pansamantalang pagpapalabas ng mga ito para sa operational support at victim protection habang dinidinig ang kaso.
Noong 2024 State of the Nation Address, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pagbabawal sa POGO. Nauna itong naging legal noong 2021 sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pamamagitan ng Republic Act No. 11590.
Sa mga raid sa mga POGO hub, nadiskubre ng mga awtoridad ang mga kaso ng human trafficking, money laundering, at ang pekeng Filipino citizenship ng dating alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Ayon sa Korte Suprema, ang civil forfeiture ay hiwalay sa anumang kasong kriminal at tumutukoy sa paglipat ng pagmamay-ari ng ari-arian sa pamahalaan.
Sa ilalim ng bagong patakaran, ang petisyon para sa civil forfeiture ay ihahain sa Regional Trial Court (RTC) kung saan matatagpuan ang mga ari-arian. Kailangang ilahad sa petisyon ang pangalan at address ng respondent at ang detalyadong listahan ng mga ari-ariang nais kumpiskahin.
Kung walang probable cause, ibabasura ng korte ang kaso. Kung may probable cause, maaaring mag-utos ang korte ng pansamantalang pangangalaga o pagkontrol sa mga ari-arian.
Sa loob ng 24 oras matapos makita ang probable cause, uutusan ng korte ang respondent na magsumite ng verified comment o opposition sa loob ng 20 araw. Kung hindi matunton ang respondent, maaaring ipaalam ang kaso sa pamamagitan ng paglalathala sa pahayagan.
Mayroon ding mekanismo ng pag-apela sa Court of Appeals para sa sinumang hindi sang-ayon sa desisyon ng korte. RNT/MDS