MANILA, Philippines – Nanawagan si Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano sa Philippine Reclamation Authority (PRA) na linawin ang itinuturing niton “selective justice” o hindi pantay na pagpapatupad nito ng mga patakaran sa reclamation.
Sa budget briefing ng PRA nitong September 22, 2026, itinuro ni Cayetano ang pagpapatigil ng mga proyekto sa Taguig habang nagpapatuloy naman ang mas malaking proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Laguna Lake.
Ipinunto niya na iisa ang implementing agency ng dalawang proyekto – ang DPWH – ngunit tila magkaiba ang naging pagtrato sa mga ito.
“I’m trying to see if you are doing selective justice here. You have two projects, one is more than ten times bigger, one is ten times smaller, same proponent. One is even more useful than the other,” sabi niya.
Ang tinutukoy ni Cayetano ay ang Laguna Lake Road Network (LLRN), isang malaking proyekto ng DPWH na kinabibilangan ng pagtatayo ng mga kalsada at reclamation sa kahabaan ng Laguna Lake.
Ayon sa mga opisyal ng PRA, nangako ang DPWH na babaguhin ang alignment at disenyo ng proyekto.
Kinuwestiyon ni Cayetano kung bakit nagpapatuloy ang konstruksyon sa kabila ng kawalan ng mga kinakailangang pag-aaral.
“Ongoing ngayon y’ung DPWH project na dambuhala ang laki compared sa Taguig. ‘Di nagsubmit sa inyo ng feasibility study (para sa project na y’un), hindi nagsubmit ng environmental study, so you will ignore that? Bakit?” tanong ni Cayetano sa mga opisyal ng PRA.
Kinuwestiyon din ng senador ang pahayag ng PRA na naglabas ito ng show-cause order laban sa Taguig City.
Ayon kay Cayetano, ang liham na inilabas ng ahensya ay humihingi lamang ng kopya ng mga titulo ng lupa at hindi naman malinaw na nagpapaliwanag kung bakit kailangang managot ang lungsod.
Iginiit niya na hindi Taguig ang may hawak ng mga hinihinging dokumento at dapat ang DPWH, bilang proponent ng proyekto, ang manguna sa pag-aayos at pagsusumite ng mga kinakailangang papeles.
Pinalawak din ni Cayetano ang kanyang pagtatanong sa pagpapatupad ng mga patakaran sa reclamation sa iba pang proyekto, partikular sa iba’t ibang bahagi ng Laguna Lake.
“Baka magkamali ah. I support the LLRN. I support the Pasig River project, Malacañang is (doing a) very good job in that. This is what I want to point out: pagka Taguig Lakeshore, sinisilip niyo lahat, pero ‘pag Pasig River (project), hindi. ‘Pag ibang parts ng Laguna Lake, hindi,” wika niya.
Binigyang diin ni Cayetano na hindi niya tinututulan ang LLRN o ang Pasig River project. Ang nais niyang linawin ay kung bakit tila mas mahigpit ang pagsusuri sa Taguig Lakeshore kumpara sa ibang proyekto.
Hinimok din niya ang PRA, DPWH at Laguna Lake Development Authority (LLDA) na ayusin ang kanilang overlapping na mandato at mga patakaran sa pamamagitan ng mas maayos na koordinasyon.
May umiiral nang mekanismo para rito sa ilalim ng Executive Order No. 202, s. 2016, na bumuo ng technical committee na binubuo ng mga kinatawan mula sa DPWH, LLDA, Department of Environment and Natural Resources (DENR) at PRA upang mag-ugnayan sa mga usapin kaugnay ng Laguna Lakeshore Expressway Dike Project.
Ayon kay Cayetano, kahit nasa ilalim na ngayon ng DENR ang LLDA, kailangang magkasundo ang mga ahensya sa kanilang mga patakaran upang maiwasan ang magkakasalungat na requirements.
“Ang point ko is once upon a time you were under OP (Office of the President). Tapos ang chairman ng (LLDA) board is (under) the DENR. Pareho naman kayong (nasa) gobyerno, lahat naman kami magko-comply. Pero i-synchronize niyo y’ung rules niyo,” sabi niya.
Nais ni Cayetano na direktang magkasundo ang mga ahensya sa halip na manatiling nasa gitna ang Taguig sa magkakaibang patakaran at mga alegasyon.
“Kaunting malasakit naman pabalik sa isang siyudad na nagmamalasakit din sa lahat,” wika ng senador. Ernie Reyes