MANILA, Philippines – Inaprubahan ng House Committee on Ways and Means nitong Lunes, Agosto 10 ang magkahiwalay na panukala na nagpapataas sa annual taxable income exempt ceiling sa P350,000 mula sa P250,000 at nagbibigay exemption sa microenterprises mula sa 2-percent minimum corporate income tax (MCIT).
Ipinanukala ang House Bills No. 10345 at 10346 nina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos, bilang bahagi ng malawak na tax reform package upang matulungan ang taxpayers at maliliit na negosyo.
Inaprubahan naman ang mga panukala sa committee hearing na pinangunahan ni Marikina Rep. Miro Quimbo.
Layon ng panukala na amyendahan ang Section 24 ng National Internal Revenue Code sa pagbabago sa graduated income tax rates na ipinapataw sa individual taxpayers.
Sa ilalim ng panukala,ang mga indibidwal na kumikita nang hanggang P350,000 ay exempted na mula sa personal income tax at magbibigay ng karagdagang take-home pay para sa low- at middle-income workers.
Ayon kay Quimbo, ang panukala ay bahagi ng layunin ng komite na ayusin ang tax system kasabay ng pagsisiguro na ang pamahalaan ay may sapat na mapagkukunan pa rin ng pondo para sa mga mahahalagang programa at serbisyo.
“We want our tax system to keep pace with the realities faced by Filipino families and workers. If incomes have not kept up with the rising cost of living, then we have to make sure that taxation does not further erode their purchasing power,” sinabi ni Quimbo.
Ang isa pang panukala ay makatutulong naman sa micro at small enterprises sa ilalim ng MCIT, na kumikilala sa disproportionate impact ng tax sa mga negosyo na nagrerekober pa lamang sa economic disruptions at pag-ooperate nang may limitadong margin.
Ayon kay Quimbo, layon namang bigyan ng mas malaking pagkakataon para makapag-reinvest sa operasyon, trabaho at mapanatili ang negosyo sa panukalang MCIT relief.
“The objective is not simply to reduce taxes. It is to create breathing room for entrepreneurs and businesses so they can spend, invest, hire, and grow,” anang mambabatas.
“We are looking at the entire tax system as a whole. We want to deliver real relief to taxpayers, but we also have a responsibility to make sure that the government can continue to fund public services. That means balancing tax relief with responsible and sustainable revenue measures.” RNT/JGC