Home NATIONWIDE Palasyo kinalampag sa paglalantad ng buong pondo sa flood control projects: ‘Bumabaha...

Palasyo kinalampag sa paglalantad ng buong pondo sa flood control projects: ‘Bumabaha ng pagtatakip?’

3
0

MANILA, Philippines – Hindi lamang ulan ang bahang dinadanas ng mamamayan kundi pati pagtatakip ng administrasyon sa isyu ng flood control projects dahil walang malinaw at napapanahong impormasyon ang mamamayan kung saan napupunta ang pondo ng bayan.

Ganito ang hinaing ni Senador Bam Aquino sa kasalukuyang sitwasyon ng flood control program ng pamahalaan na naglulunod sa maraming kababayan sa halos buong bansa sanhi ng kawalan ng transparency sa pondo.

Sa pahayag, sinabi ni Aquino na dapat gawing prayoridad ng gobyerno ang transparency kasunod ng pagbaha sa iba’t ibang bahagi ng bansa bunsod ng Bagyong Luis at Maymay at southwest monsoon o habagat.

Ayon kay Aquino, dapat mabigyan ng malinaw at napapanahong impormasyon ang publiko kasunod ng matinding pagbaha na tumama sa bahagi ng National Capital Region, Southern Luzon, Northern Luzon, at Central Luzon na nag-iwan ng hindi bababa sa 19 patay at paglikas ng libu-libo katao, na nagdulot ng pagdududa sa kasalukuyang pagsisikap ng gobyerno na tugunan ang pagbaha.

“Mahigit isang taon na nang nanawagan tayo ng imbestigasyon ukol sa flood control projects ng gobyerno. Pero hindi pa ito nareresolba. Hanggang ngayon, patuloy pa rin ang pagbaha na nagdudulot ng matinding perwisyo sa publiko,” wika ni Aquino, na naunang naghain ng resolusyon na imbestigahan ang flood control program ng bansa noong nakaraang taon, sa pamamagitan ng kanyang Senate Resolution No. 28 noong Hulyo 29, 2025.

“Dapat malinaw sa taumbayan kung saan napupunta at paano ginagamit ang bilyon-bilyong pisong inilaan para sa flood control. Pera ito ng bayan, buwis natin, na dapat tumulong sa taumbayan,” dugtong pa niya.

Para kay Aquino, kailangan ng sistemang nagbibigay ng tuloy-tuloy na transparency at accountability sa paggastos ng pondo ng bayan upang hindi na maulit ang pagnakaw na nagdudulot ng matinding pagbaha sa bansa.

Muling nanawagan si Aquino sa agarang pagpasa ng kanyang Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act, na kilala rin bilang Blockchain the Budget Bill, para mapalakas ang transparency at pananagutan sa paggasta ng pamahalaan.

“Panahon na upang maisabatas ang CADENA Act o Blockchain the Budget Bill, na magbibigay sa publiko ng mas malinaw at madaling paraan para mabantayan kung saan napupunta at ginagastos ang pera ng gobyerno,” wika niya.

Inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 1506, o ang CADENA Act, sa ikatlo at huling pagbasa noong Dec. 15, 2025, sa botong 17-0, na walang pagtutol o absention.

Subalit hanggang ngayon ay hindi pa rin umuusad sa Kamara ang panukala, pitong buwan matapos itong aprubahan ng Senado, kahit na kasama pa ito sa 21 priority measures na inindorso ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) noong Pebrero 2026.

“Ngayong papalapit na ang budget season, mas mahalagang magkaroon tayo ng mas matibay na sistema upang mabantayan kung saan napupunta at paano ginagastos ang bawat piso ng bayan,” ani Aquino, kasabay ng hiling sa Mababang Kapulungan na gawing prayoridad ang panukala.

Inaatasan ng panukalang batas ang lahat ng ahensya ng pamahalaan na i-upload at panatilihin ang detalyadong mga dokumento kaugnay ng budget — kabilang ang mga kontrata, gastusin sa proyekto, bills of materials, at procurement records — sa isang Digital Budget Platform.

Dinisenyo ang sistemang ito upang matiyak na ang lahat ng file ay bukas sa publiko, hindi madaling pakialaman, nasusubaybayan, at maaaring maberipika.

Ang mga opisyal ng gobyerno na mabibigong magsumite ng mga kinakailangang dokumento o mag-upload ng pekeng impormasyon ay haharap sa administratibo at kriminal na parusa.

“Sa tulong ng CADENA Act, magkakaroon tayo ng sistema para matiyak na ginagamit nang tama ang pera ng taumbayan, kasabay ng pagpapanagot sa mga nagnakaw sa buwis ng publiko at pagbawi sa ninakaw sa kaban ng bayan,” wika ni Aquino. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here