Home HOME BANNER STORY P5.5M na iniabot sa talent manager, tulong ‘di panunuhol – Jing Paras

P5.5M na iniabot sa talent manager, tulong ‘di panunuhol – Jing Paras

2
0

MANILA, Philippines – Itinanggi ng kampo ni dating congressman Jing Paras ang mga paratang na nag-abot ito ng P5.5 milyon sa umano’y talent manager bilang panunuhol.

Ayon sa kampo ni Paras, ito ay tulong at iginiit na financial assistance ito matapos tumestigo sa umano’y tangka laban kay Executive Secretary Ralph Recto.

May isang indibidwal kasi umano na kinilalang si alyas “Ken” ay lumapit nang boluntaryo para tumestigo at humingi ng tulong sa pag-draft ng affidavit.

“Si Mr. Ken, sila ang nag-offer, nag-volunteer sila na may sasabihin na nangyari noong 2025,” ayon kay Atty. Mark Tolentino, abogado ni Paras.

“So ang trabaho naman sa aking kliyente ay tumulong lang sa paggawa ng affidavit sa mga babae. So nagtawag siya ng mga abogado para gumawa lang ng affidavit,” dagdag pa ni Tolentino.

Dahil sa takot sa kaligtasan ay pumayag itong tumestigo laban sa high-ranking official at ang pagbibigay ng pera ay para tulungang protektahan ang witness at iginiit pa na hindi ito suhol.

“Natatakot kasi itong si alias Ken na magsasabi… kasi ang kalaban nila mataas na opisyal. So, saan sila magtago, anong gastusin nila pag nagtago sila, baka harrasin sila nitong mataas na opisyal. So humingi sila ng funds that’s why umabot ng 6 million hanggang 5.5 [million],” sinabi ni Tolentino.

Dagdag pa niya, plano ng dating congressman na magsampa ng reklamong perjury laban sa sinumang indibidwal na gagawa ng akusasyon.

Kamakailan ay sinabi ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na kinausap umano ni Paras ang ilang biktima ng human trafficking na sila ay babayaran upang gumawa ng kwento at pumirma ng affidavit na nagdadawit kay Recto.

Ani Matibag, ang plano ay nakatakda sanang ilabas matapos ang State of the Nation Address.

Noong nakaraang linggo ay nag-isyu ang NBI ng subpoena laban kay Paras at Representative Leandro Leviste, na iniugnay din sa tangka.

Kapwa itinanggi ng dalawa ang alegasyon.

“This is part of a bigger and grander plan to decimate the legitimate opposition. Alam naman natin si Congressman Jing Paras ay isa sa mga foremost critics ng Marcos administration at founder nung kampilan,” ayon naman kay Atty. Ferdinand Topacio, na nagrerepresenta din kay Paras.

“Siyempre, bend the law na naman tayo. Ganyan naman lagi, hindi naman ito ang first time—kay Mike Defensor, doon sa 18 Marines—so, ‘di na tayo nagtataka kay Director Matibag,” dagdag pa.

Nitong Martes, Agosto 11 ay nagpasa ang mga abogado ni Paras ng affidavit sa NBI para sa imbestigasyon ng ahensya sa naturang isyu.

Nagtungo ang mga ito sa opisina ng ahensya at nagsabing itinatanggi nila ang anumang kaugnayan ng mambabatas.

“We just invoked Congressman Leviste’s right to remain silent; that’s it. We deny any involvement again, no comment,” ayon naman aky Atty. Gabrielle Rondain-Kapunan, abogado ni Leviste.

Wala naman itong impormasyon sa kung nasaan ang mambabatas kasunod ng report mula kay Matibag na umalis ito ng bansa noong Agosto 2. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here