Home NATIONWIDE Pagpapasinaya ng senior citizens’ at community pet park pinasinayaan sa Pandacan

Pagpapasinaya ng senior citizens’ at community pet park pinasinayaan sa Pandacan

3
0

MANILA — Mula sa dating maalikabok, puro debris at batuhan, isa nang bagong pampublikong pasyalan ang halos isang ektaryang lugar sa Pandacan, Maynila matapos itong gawing Senior Citizens’ Park at Community Pet Park.

Pormal na pinasinayaan nitong Miyerkules, Agosto 12, ang bagong parke na layong magbigay ng ligtas at maayos na lugar para sa mga senior citizen, pet owners at iba pang residente ng komunidad.

Pinangunahan ni Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso ang inauguration kasama si Vice Mayor Chi Atienza, pitong buwan matapos isagawa ang groundbreaking ng proyekto noong Enero.

Ayon kay Domagoso, matagal na naging problema ng mga residente ang dating kondisyon ng lugar dahil sa alikabok at polusyon. Aniya, hindi lamang ito hindi napapakinabangan kundi maaari ring magdulot ng panganib sa kalusugan ng komunidad.

Ngayon, sinabi ng alkalde na nagsisimula nang mapakinabangan ng mga residente ang bagong pasilidad. Bago pa man ang seremonya, nakita na umano niya ang isang senior citizen na naglalakad at nag-eehersisyo sa parke.

“Kanina may napansin kami ni (MMDA) Chairman Artes, mayroon na kaagad nakinabang sa senior citizen natin, may naglalakad doon na isa, ligtas, maayos, na siguro nag-e-exercise,” ani Domagoso.

Naisakatuparan ang proyekto sa pamamagitan ng pagtutulungan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, Department of Budget and Management (DBM), at Metro Manila Development Authority (MMDA).

Ayon kay Budget Secretary Kim Robert De Leon, pinondohan ang proyekto sa ilalim ng Local Government Support Fund (LGSF) “Green, Green, Green” Program, na nakatuon sa pagtatayo at pagpapaganda ng mga pampublikong open spaces sa mga lokal na pamahalaan.

Sinabi ni De Leon na ang bagong parke ay halimbawa ng maaaring makamit kapag nagtutulungan ang national at local government para sa kapakanan ng mga mamamayan.

Samantala, sinabi ni MMDA Chairman Romando Artes na natupad ang pangako nilang matapos ang proyekto sa loob ng anim na buwan mula nang isagawa ang groundbreaking.

“Kung inyong matatandaan, ito po ay parang ginagawang parking lamang. Maalikabok, puro debris lang, batuhan. Ngayon po, maipagmamalaki natin na pasyalan, maliwanag, maganda,” ani Artes.

Sinabi rin ni Artes na nagdagdag ng pondo ang MMDA upang matapatan ang inilaan ng DBM matapos humingi ng karagdagang suporta ang Maynila.

Nagpasalamat naman si Domagoso sa mga tumulong sa proyekto, kabilang ang Robinsons Land, at hinikayat ang mga barangay official sa Pandacan na tiyaking mapapanatili ang kalinisan, kaayusan at seguridad ng parke.

Para sa mga residente ng Pandacan, ang dating lugar na halos walang pakinabang ay mayroon nang bagong gamit—isang bukas na espasyo kung saan maaaring maglakad at mag-ehersisyo ang mga senior citizen, maglibang ang mga pet owner kasama ang kanilang mga alaga, at magtipon ang komunidad. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here