Home NATIONWIDE Paglilinis ng Baclaran-Redemptorist Water Channel, muling ipinagpatuloy

Paglilinis ng Baclaran-Redemptorist Water Channel, muling ipinagpatuloy

1
0

MANILA, Philippines – Sa ikalawang araw ay ipinagpatuloy ng mga ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), katuwang ang lokal na pamahalaan ng Parañaque, ang paglilinis at paghahakot ng mga inanod at naipong basura sa Baclaran-Redemptorist Water Channel matapos ang pananalasa ng pabugso-bugsong buhos ng malakas na ulan na dulot ng hanging Habagat nitong mga nakaraang araw.

Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin L. Olivarez, ang waterways clean-up operation ay isinagawa upang mahakot ang mga inanod at naipong basura at debris para matiyak ang pagiging maayos at tuloy-tuloy na daloy ng tubig-baha sa nabanggit na daluyan ng tubig.

Sinabi ni Olivarez na personal na binisita kahapon ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon ang nasabing waterways at nagmonitor sa pagsasagawa ng operasyon sa paglilinis nito habang pinaigting ng mga nabanggit na ahensya ang kanilang mga hakbang upang matugunan ang mga baradong daluyan ng tubig sa mga lugar na madaling bahain.

Dagdag pa ni Olivarez na hindi nila ipatitigil ang pagtatrabaho ng mga tauhan ng lungsod, kasama ang mga kawani ng DPWH at MMDA, upang maalis ang mga naipong basura bilang bahagi ng programa ng lungsod para sa pag-iwas at pagbawas ng pagbaha.

Sinabi rin ni Olivarez na nakaapekto ang high tide sa Manila Bay sa pagbaha sa ilang mabababang lugar sa lungsod nitong weekend dahil bumagal ang pag-agos palabas ng tubig mula sa Parañaque River.

Base sa inilabas na datos ng lokal na pamahalaan bandang alas 3:00 ng hapon, sa unang araw pa lamang ay nakakuha at nakaipon na ang mga trabahador ng 732.8 cu.m. o katumbas ng 244 metric tons ng basura at debris na naikarga sa 45 trucks.

Pansamantalang itinigil ang operasyon pagsapit ng dilim dahil na rin sa peligro na maaaring kaharapin o mangyari sa mga naglilinis na tauhan ng mga nabanggit na ahensya ng gobyerno.

Ang patuloy na paglilinis sa Baclaran-Redemptorist Water Channel ay bahagi ng mga hakbang upang mapanatiling walang bara ang mga daluyan ng tubig, mapabuti ang daloy nito, at mabawasan ang panganib ng pagbaha sa mga kalapit na komunidad.

Muling pinaalalahanan ng mga awtoridad ang mga residente hindi lamang sa lungsod ng Parañaque kundi pati na rin sa mga karatig lungsod nito na itapon ng maayos ang kanilang mga basura at iwasang magtapon sa mga kanal na nagdudulot ng pagbabara ng mga daluyan ng tubig. James I. Catapusan

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here