MANILA, Philippines – Naghain si Senador Francis “Kiko” Pangilinan ng isang panukalang batas upang tuluyan nang lusawin ang system loss na sinisingil ng electric companies sa consumer na hindi dapat nila sinasalo.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na lubhang pabigat sa consumer ang system loss kaya kung maalis ito, aabot sa 5% hanggang 10% ang matitipid ng bawat pamilyang Filipino.
Inihain ni Pangilinan nitong Agosto 4, Senate Bill No. 2378 na kikilanin bilang Systems Loss Charge Removal Act, dahil hindi dapat consumer ang sumasalo kundi ang kampanya dahil hindi sila ang may kasalanan nito.
Inaamendahan ng panukala ang Section 25 ng Republic Act No. 9136, o ang Electric Power Industry Reform Act of 2001 (EPIRA).
Aniya, lubha nang mabigat ang pasanin ng bawat pamilyang Filipino sanhi ng tumataas na halaga ng pagkain, edukasyon, healthcare, transportation, at iba pang basic necessities, kaya bawat pisong matatanggal sa electricity bill isa itong malaking Ginhawa.
“Hindi dapat consumer ang sumasalo sa kapalpakan at kakulangan ng iba. Kapos na nga ang ating kababayan, tapos pagbabayarin pa natin ng hindi naman sila ang gumamit o may gawa?” aniya.
Ipinunto ng senador na kinakain ng pagbabayad sa system loss ang kakarampot na kita ng bawat pamilya, kaya kapag nakatipid ng ilang daang piso, maaari itong magamit sa pagkain, renta, medical, edukasyon at kahit simpleng kasiyahan.
“Kung may perang puwedeng manatili sa bulsa ng pamilya, dapat manatili roon,” aniya.
Kinakarga ng electric companies ang system loss upang maibalik ang halaga ng pagkakaiba ng halagang inihahatid ng elektrisidad sa kanilang networks at elektrisidad na nasusukat at sinisingil sa consumers.
Kasunod ang panukala ni Pangilinan sa muling pagkilos ng Kongreso na ibaba ang halaga ang elektrisidad.
“In his recent State of the Nation Address (SONA), President Ferdinand Marcos Jr. called for amending the EPIRA law to remove systems loss charges passed on to consumers, including the VAT imposed on such charges,” ayon kay Pangilinan.
Naunang ipinanukala ni Pangilinan ang Senate Bill No. 2124, o ang VAT Exemption on Systems Loss Act for Residential Household Consumers, upang mabawasan ang pabigat ng bawat pamamahay na patuloy na nagbabayad ng system losses na hindi nila nakonsumo, naging sanhi at kontrol. Ernie Reyes