MANILA, Philippines – Babalatan ni Senador Erwin Tulfo ang Bases Conversion Development Authority (BCDA) na sangkot sa pagpasok ng Pax Silica sa bansa upang magtayo ng pinakamalaking data center sa loob ng New Clark City hinggil sa suplay ng tubig at kuryente.
Sa kanyang manipestasyon sa resolution na inihain ni Senador Raffy Tulfo hinggil sa imbestigasyon sa Pax Silica, sinabi ni Erwin na kanyang sinusuportahan ang panukala ng kanyang kapatid hinggil dito.
Ayon kay Erwin, Maganda ang layunin ng Pax Silica dahil lilikha ito ng maraming trabaho at maaaring maging sentro ng artificial intelligence ang Pilipinas sa Southeast Asia.
“Maganda po yung layunin–nabasa ko po, ilang araw ko na po inaaral. It will generate thousands of jobs. Siyempre, we will become a hub dito po sa artificial intelligence dito po sa Southeast Asia,” aniya.
Ngunit, ayon kay Erwin, may kaakibat ang problema na lilikhain ng Pax Silica hindi lamang sa dislokasyon ng mamamayan sa lugar, at pagkukunan ng suplay ng tubig at kuryente.
Aniya, walang malaking dam, lawa o ilog sa paligid ng pagtatayuan ng Pax Silica sa loob ng New Clark City o kahit sa karatid lalawigan tulad ng Bulacan o Tarlac o sa Pampanga mismo.
“Pero Ginoong Pangulo, tulad po ng nabanggit din ni Sen. Raffy, na may mga kaakibat itong mga suliranin na dapat sigurong malinawan tayo. Kung ano ang dapat gawin ng iba’t ibang ahensya. Una na po diyan, tama po yung tubig, dahil gugugol po ito bilang cooling. Saan po kukuha ang BCDA ng tubig? Saan po manggagaling?,” aniya.
Isa pang problema, ayon kay Tulfo, kung saan kukunin ng Department of Energy (DOE) ang suplay ng kuryente na gagamitin ng planta na lubhang makakaapekto sa lugar.
“Isa pa hong problema yung kuryente, Ginoong Pangulo. Problema ho ang kuryente. Kailangan dapat din po masagot dito ng Department of Energy saan po kukuha ng kuryente at baka maapektuhan ang mga karatig na pook,” aniya.
“Gayon din po yung tubig. Kailangan nating malaman, ipaliwanag sa atin ng BCDA o kung anong ahensya ang mamamahala diyan, na magiging sapat po ang supply na hindi po maapektuhan ang pangangailangan sa kuryente at tubig ng mga kababayan natin sa lugar na yon,” paliwanag pa ni Erwin.
Giit pa ni Erwin na kanyang sinusuportahan ang programa ng admininstrasyon na magtayo ng AI Center sa New Clark City, ngunit “bago aprubahan ang Pax Silica,” dapat ipaliwanag ng pamahalaan ang mga isyung nakabalot sa pagtatayo ng Pax Silica.
“Sumusuporta po ako dito po sa Pax Silica pero at the same time, bago po natin yakapin ito at tanggapin, kailangan lang po natin maliwanagan. Ipaliwanag po sa atin ng pamahalaan ng ahensyang humahawak po sa mga ito tulad po ng kuryente, tulad po ng tubig,” aniya.
Aniya, “ayaw na po natin matulad po na maraming beses na po ng lehislatura ay nagpasa ng mga batas na sablay. Isa po diyan ang oil deregulation law. Isa po diyan yung EPIRA law na sa halip na makinabang ang kababayan natin, iba po ang nakikinabang.”
“I support the resolution filed by Senator Raffy pertaining to this Pax Silica to investigate and get a clearer picture or idea from government agencies. How do we do this? Kasi marami pong nagrereklamo, even the local government units in Tarlac. Ika nga the indigenous people are also afraid. We need to explain, these agencies have to explain to us where we will get the water and the electricity,” ani Erwin. Ernie Reyes