MANILA, Philippines – Sinabi ni House lead prosecutor Gerville Luistro na kailangang ipaliwanag ng depensa ni Vice President Sara Duterte kung paano ginamit ang confidential funds ng Office of the Vice President (OVP).
Ayon kay Luistro, hindi ang pinakamahalagang isyu kung ang mga pangalang nasa acknowledgment receipts ay alyas o tunay na tao, kundi kung nakatanggap ang mga lehitimong benepisyaryo ng confidential funds at kung naipamahagi ang mga ito ayon sa Joint Circular No. 2015-01.
Aniya, “The position of the defense is still unclear whether they are admitting these are aliases or claiming they are real persons.”
Dagdag pa niya, “Whether allowed or not, they still have to explain who these recipients are and prove that the confidential funds actually reached them.”
Muling lumitaw ang isyu matapos ipakita ni prosecutor Lorna Kapunan ang ilang resibo na may mga pangalang kahawig ng mga opisyal ng gobyerno at karaniwang bagay.
Sinabi rin ni Luistro na sa mga naunang pagdinig sa Kamara, nakakuha sila ng sertipikasyon mula sa Philippine Statistics Authority (PSA) na nagsasabing ang ilan sa mga pangalang nasa resibo ay walang rekord ng kapanganakan, kasal, o kamatayan.
Ayon sa kanya, kung igigiit ng depensa na tunay na tao ang mga pangalang iyon, kailangan nitong ipaliwanag ang pagkakaiba sa rekord ng PSA. Kung sasabihin namang mga alyas ang mga ito, kailangan pa ring tukuyin kung sino ang mga tunay na tumanggap ng pera.
Binigyang-diin ni Luistro na ang kaso ng prosekusyon ay nakabatay sa pagsunod sa mga patakaran ng Commission on Audit (COA).
Noong Martes, tumestigo si COA state auditor Xylene Del Campo na ang Joint Circular No. 2015-01 ay hindi tahasang nagpapahintulot o nagbabawal sa paggamit ng alyas sa confidential fund transactions.
Sinabi rin ni Del Campo na walang ebidensiyang natagpuan ang COA na nagpapatunay na naging matagumpay ang mga confidential operation na pinaglaanan ng reward money, at may mga dokumentong nagpapakita ng mga aktibidad na isinagawa bago pa ang saklaw na panahon ng disbursement.
Binanggit din ni Luistro ang testimonya ni Del Campo na umamin si dating Department of Education Special Disbursing Officer Gina Acosta na ibinigay niya ang na-encash na confidential funds kay dating Vice Presidential Security and Protection Group head Col. Dennis Lachica.
Ayon kay Luistro, itinuring ito ni Del Campo na posibleng paglabag sa Joint Circular No. 2015-01, kaya naglabas ang COA ng notices of disallowance.
Nanawagan din si Luistro na amyendahan at pagbutihin ang mga patakaran sa confidential funds dahil sa maraming loopholes na nakita sa mga imbestigasyon ng Kamara.
Aniya, “There are a lot of loopholes. I think it’s fair to revisit the Joint Circular, amend it, improve it and address all the shortcomings.”
Inaasahang isasagawa ng depensa ang cross-examination kay Del Campo sa Senado sa Miyerkules. RNT/MDS