CAGAYAN, Philippines – Natagpuang patay noong Martes, Agosto 11, ang 13-anyos na batang lalaki na nawawala matapos malunod sa Cagayan River sa Enrile, Cagayan.
Kinilala ang biktima na si Gian Agpalasin ng Barangay San Roque, Enrile.
Narekober ng Task Force Lingkod Cagayan–Quick Response Team (TFLC-QRT) ang kanyang katawan malapit sa bahagi ng ilog sa Barangay Maddarulug Norte, kung saan siya umano naligo.
Si Agpalasin ay isa sa dalawang teenager na nalunod sa lugar noong Lunes. Ang isa pang biktima ay si Jhony Baquiran ng Barangay Maddarulug Sur.
Ayon kay Don Erickson Orje, Enrile municipal disaster risk reduction and management officer, natanggap nila ang ulat ng pagkalunod bandang 11 a.m. at agad silang nagpadala ng mga responder.
Narekober ang katawan ni Baquiran bandang 1 p.m. at dinala sa ospital, kung saan siya ay idineklarang dead on arrival.
Nangyari ang insidente bago magtanghali habang may pasok ang mga estudyante sa Enrile, ngunit hindi pa matukoy ng mga awtoridad kung bakit nasa ilog ang dalawang mag-aaral.
Nagpahayag ng pakikiramay ang pamahalaang bayan ng Enrile sa mga pamilya ng mga biktima at nangakong magbibigay ng pinansyal na tulong, psychological support, at counseling.
Nag-utos din si Mayor Miguel Decena Jr. ng imbestigasyon sa insidente. RNT/MDS