Home NATIONWIDE Drill kasama Indonesia malapit sa Taiwan ‘routine’ lang – China

Drill kasama Indonesia malapit sa Taiwan ‘routine’ lang – China

1
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng China na isang regular na aktibidad lamang ang planong joint naval exercise kasama ang Indonesia sa silangan ng Taiwan, matapos itong batikusin ng Taipei bilang mapanganib na military provocation.

Ayon sa Chinese Defense Ministry, isasagawa sa kalagitnaan ng Agosto ang isang “navigation exercise” kasama ang Indonesian Navy. Ito ang magiging unang pagkakataon na magsagawa ang China ng naturang drill kasama ang isang dayuhang militar sa karagatang silangan ng Taiwan.

Gayunman, sinabi ng Indonesian Navy na ang kanilang barkong KRI I Gusti Ngurah Rai ay magsasagawa lamang ng “passing exercises” kasama ang ilang bansa habang pauwi mula sa Russia. Nilinaw nitong hindi ito kaugnay ng “war fighting.”

Ayon kay Indonesian Navy spokesperson Tunggul, ang naturang aktibidad ay isang karaniwang tradisyon ng mga navy habang nagbibiyahe sa maritime area ng ibang bansa.

Kinondena naman ng Taiwan ang naturang plano, na tinawag itong “military provocation” at hinimok ang Beijing na itigil ang tinawag nitong mapanganib na hakbang.

Sinabi ng Mainland Affairs Council ng Taiwan na ginagamit ng China ang mga naturang aktibidad upang palabasin na mayroon itong hurisdiksiyon sa karagatang silangan ng Taiwan.

Samantala, sinabi ni Wu Tien-jen, assistant deputy chief of the general staff for intelligence ng Taiwan, na ang barkong Indonesian ay hindi partikular na bumiyahe para sa drill at nasa tinatayang 70 hanggang 80 nautical miles mula sa silangang bahagi ng Taiwan.

Ayon kay Wu, wala itong direktang epekto sa militar ng Taiwan, ngunit mayroon itong geopolitical significance.

Patuloy na itinuturing ng China ang Taiwan bilang bahagi ng teritoryo nito at regular na nagsasagawa ng military at coast guard activities sa paligid ng isla. Mariin namang tinututulan ito ng Taiwan at sinasabing ang mamamayan lamang nito ang maaaring magpasya sa kinabukasan ng bansa. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here