ISA sa mga “inilako” ni Pangulong Bongbong Marcos sa kanyang SONA—State of the Nation Address—noong Hulyo 27 ay ang kanyang pagsuporta sa ‘Pax Silica.’
Ang Pax Silica, mga kabayan, ay isang istratehikong pakana ng Amerika upang labanan ang China at “basagin” ang kontrol ng China sa mga tinatawag na ‘rare earth minerals’ na mahalagang “sangkap” ngayon sa paggawa ng samu’t-saring mga bagay, simula sa ‘cellphone’ hanggang sa mga modernong armas pandigma— ‘stealth fighter jets,’ ‘ballistic missiles,’ etcetera.
Bakit ‘Pinas ang napiling lokasyon ng Pax Silica sa mahigit 20 bansa na nakumbinsi ng Amerika na sumali dito?
Simple, tayo kasi ang pinakamahinang bansa sa “alyansa” na ito at kilalang sunud-sunuran sa lahat ng kapritso ng mga Kano. Oh, hindi ba sa ngayon, ‘Pinas lang ang hindi tumanggi sa balanang magustuhan ni Uncle Sam, kaya, saan ka pa, hindi ba?
Isa rin ang ‘Pinas sa may pinakamalaking deposito ng mga mineral na kailangang minahin para makagawa ng mga ‘microchips’ at ‘magnets’ na kailangan ng modernong teknolohiya.
Libo-libong trabaho ang posibleng ibibigay ng Pax Silica sa mga Pinoy pero hindi bilang mga ‘high-skilled workers,’ ‘researchers’ o ‘scientists,’ bagkus bilang mga minero na tagabungkal ng ating mga likas na yaman na kailangan ng mga totoong “nagpapatakbo” ng Pax Silica.
Sinabi rin na magiging bida tayo dahil dito itatayo ang malalaking ‘data centers’ at ‘AI (Artificial Intelligence) Hubs’—na pag-aari ng mga dayuhang korporasyon at militar ng Amerika.
May maganda namang punto si Sen. Erwin Tulfo mga kabayan, dahil sa kagyat ay “natumbok” niya ang malaking problemang dadalhin ng Pax Silica na problema na natin ngayon—ang suplay ng tubig at kuryente.
Aniya, “suportado” niya ang Pax Silica dahil sa mga positibong pakinabang natin dito pero, dapat ipaliwanag ng gobyerno kung saan manggagaling ang suplay ng tubig at kuryente.
Dangan nga kasi, tone-toneladang litro ng tubig ang kailangan ng isang dambuhalang data center/AI Hub at daang milyon, kundi man bilyones na ‘kilowatt hour’ ang kailangan para mapatakbo ng maayos ang mga ito.
Saan kukunin ang mga ‘yan, aber?






