Home OPINION MULTI-HOMING AT CAP SA MC TAXI

MULTI-HOMING AT CAP SA MC TAXI

1
0

DALAWANG isyu ang tila magkaiba ang pananaw ng motorcycle taxi riders: ang multi-homing at ang cap sa bilang ng riders.

Sa multi-homing, isang motorcycle taxi rider ang gumagamit ng dalawa o higit pang ride-hailing apps, sabay-sabay man o salit-salitan. Naka-onboard siya sa higit sa isang platform.

Para sa mga pabor dito, mas malaki ang posibilidad na kumita ang rider dahil mayroon siyang flexibility sa kompetisyon ng Transport Network Companies o TNCs. Mas malaya siyang pumili ng app na may aktibong bookings at maiwasan ang mahabang paghihintay. Hindi naman empleyado ng TNC ang rider, kaya ang kita niya ay nakadepende sa ridership—more passengers, more income.

Dahil dito, hindi lamang sa pasahero nagkakaroon ng kompetisyon ang mga TNC kundi pati sa riders. Kailangang pagandahin ang kanilang platforms, incentives at serbisyo. At kung mas mabilis at maayos ang serbisyo, makikinabang din ang publiko.

Ngunit may tutol sa multi-homing. Posibleng mas mapagod ang rider dahil palipat-lipat ng platform, na maaaring makaapekto sa kaligtasan ng pasahero. Kapag nagkaroon ng aksidente, maaari ring maging komplikado ang usapin ng accountability at insurance coverage. Para sa regulators, mas mahirap ding subaybayan ang datos at ipatupad ang cap kung iisang rider ay nakarehistro sa maraming platform.

Parehong may katwiran ang dalawang panig.

Hindi rin bago ang multi-homing. Ginagawa na ito ng TNVS drivers at maging noong pilot study ng motorcycle taxis ay bahagi na ito ng sistema.

Kaya ang mahalagang tanong: kung ipagbabawal ang multi-homing at isang platform lamang ang maaaring gamitin ng rider, hindi ba maaapektuhan ang kanyang kita? Paano kung mapunta siya sa platform na kakaunti ang pasahero o mabagal ang bookings? Kung walang garantisadong kita kada araw, baka wala siyang ibang pagpipilian kundi tumigil sa app at bumalik sa habal-habal.

Pero narito ang mas malaking tanong: kung papayagan ang multi-homing, paano magiging epektibo ang cap?

Kung limitado nga ang bilang ng riders kada platform pero maaaring sumakay ang isang rider sa maraming platforms, hindi ba parang nawawala rin ang saysay ng cap?

Kaya bago magpatupad ng polisiya, kailangang linawin muna kung ano talaga ang gustong protektahan—ang kita ng rider, kaligtasan ng pasahero, patas na kompetisyon ng TNCs, o ang regulasyon sa dami ng riders.

Dahil ang magandang polisiya ay hindi lamang madaling ipatupad sa papel. Dapat gumagana rin sa totoong kalsada.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here