Home NATIONWIDE Sen. Erwin Tulfo: Zero barrier, hindi zero fee, susi sa tunay na...

Sen. Erwin Tulfo: Zero barrier, hindi zero fee, susi sa tunay na financial inclusion

1
0

MANILA, Philippines – Iginiit ni Sen. Erwin Tulfo na ang tunay na susi sa digital financial inclusion ay hindi ang pagtanggal ng lahat ng bayarin sa bawat transaksyon, kundi ang pag-aalis ng mga hadlang para mas maraming Pilipino ang madaling makagamit ng serbisyong pinansyal.

Ayon kay Tulfo, hindi sapat na paramihin lamang ang mga nagbubukas ng bank account o gumagamit ng digital wallet at banking apps dahil ang tunay na layunin ay matiyak na bawat Pilipino, anuman ang kita, lugar, edad o kaalaman sa teknolohiya, ay ligtas at madaling makagamit ng serbisyong pinansyal.

Aniya, isa sa pinakamalaking problema ay ang mismong pagpasok sa formal financial system, lalo na para sa mga unang beses pa lamang gagamit ng banking services.

Kabilang sa mga maaaring maging hadlang ang maraming requirements sa pagbubukas ng account, komplikadong proseso, pangangailangang magpanatili ng minimum balance, kawalan ng alam kung aling ATM ang maaaring gamitin nang walang dagdag na bayad, at hindi pagkakaroon ng malinaw na mapagtatanungan kapag may problema.

Dahil dito, sinabi ni Tulfo na mas dapat pagtuunan ng pansin ang pag-aalis ng mga hadlang sa paggamit ng financial services kaysa tingnan lamang ang financial inclusion batay sa halaga ng bayad sa bawat transaksyon.

“Ang layunin ay gawing madaling pasukin, madaling maintindihan at madaling gamitin ang formal financial services,” ayon sa senador.

Mahalaga aniya ang papel ng digital banks, traditional banks, e-wallets, fintech companies, telecommunications providers at mga regulator sa pagbuo ng isang financial ecosystem kung saan nagtutulungan ang iba’t ibang serbisyo at hindi napipilitang dumaan ang mga consumer sa mga hindi kailangang hadlang para lamang makagamit ng basic financial services.

Binanggit din ni Tulfo ang mga hakbang ng Bangko Sentral ng Pilipinas para palawakin ang financial inclusion, kabilang ang pagpapalawak ng access sa basic deposit accounts, pagsusulong ng digital payments at paghikayat sa responsableng innovation.

Gayunman, sinabi niyang ang hamon ngayon ay kung paano mararamdaman ng ordinaryong Pilipino sa kanilang pang-araw-araw na buhay ang mga naturang polisiya at programa.

Binigyang-diin din niya na hindi pare-pareho ang kakayahan ng mga Pilipino sa paggamit ng teknolohiya, kaya kailangan ng mas simpleng interfaces, mas malinaw na instructions at higit na tulong para sa mga first-time users.

Kasabay nito, sinabi ni Tulfo na kailangan ding palakasin ang financial at digital literacy dahil hindi sapat ang teknolohiya lamang para maging tunay na inclusive ang digital financial services.

Tinukoy niya bilang ilan sa malalaking hadlang ang minimum maintaining balance, ATM withdrawal fees at dormancy fees, lalo na para sa mga Pilipinong limitado ang perang maaaring itabi sa kanilang account.

Para kay Tulfo, dapat magkaroon ng mas maraming pagpipilian at mas kaunting hadlang ang isang market vendor, magsasaka, manggagawa, senior citizen, estudyante o maliit na negosyante upang makapasok at manatili sa formal financial system.

Hindi rin aniya dapat masukat lamang ang tagumpay ng financial inclusion sa dami ng nabuksang accounts o bilang ng digital transactions.

Mas mahalagang malaman kung mas marami nang Pilipino ang nakakapag-ipon, nakakatanggap ng bayad, nakakapagpadala ng pera, responsableng nakakautang, nakakakuha ng insurance at mas maayos na nakakapamahala ng kanilang pera dahil naging mas accessible ang financial services.

Sinabi ni Tulfo na ang dapat buuin ay isang financial ecosystem na may “zero unnecessary barriers” o walang hindi kailangang hadlang, bagama’t hindi nangangahulugan itong kailangang maging zero ang lahat ng fees.

Sa ganitong paraan, aniya, mas mailalapit ang digital finance sa mga taong higit na nangangailangan nito at maisasakatuparan ang tunay na layunin ng digital financial inclusion – ang paggamit ng teknolohiya upang gawing mas accessible, abot-kaya, madaling maunawaan at kapaki-pakinabang ang financial services para sa bawat Pilipino. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here