MANILA, Philippines – Isang lalaking tinatayang 60 hanggang 65 taong gulang ang natagpuang patay sa Libertad Channel sa Pasay City nitong Huwebes ng umaga, ayon sa pulisya.
Ayon kay PNP spokesperson Police Colonel Allan Rae Co, kilala ang lalaki sa lugar sa alyas na “Tropa.” Natagpuan ang bangkay 400 hanggang 500 metro mula sa Senate premises, sa bahagi ng Libertad Channel corner Diokno Boulevard, Barangay 76.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakita ng mga saksi ang lalaki na nagsusuka ng dugo bandang 9 p.m. noong Miyerkules. Inalok umano siya ng pagkain ngunit tumanggi at humiga na lamang upang matulog. Bandang 6:00 hanggang 6:30 a.m. noong Huwebes, natagpuan siyang wala nang buhay.
Inilarawan ang lalaki na may taas na 5’5” hanggang 5’7”, maputi ang kutis, payat ang pangangatawan, at nakasuot ng berdeng jersey shorts at berdeng long-sleeved shirt.
Ayon kay Co, wala umanong nakitang panlabas na sugat sa katawan ng lalaki.
Aniya, “Ang tinitignan po talaga is he died of natural causes,” ngunit isasailalim pa rin ang bangkay sa maayos na medical examination upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.
Sinuri ng Scene of the Crime Operations (SOCO) ang lugar, at dinala ang mga labi sa Veronica Funeral Homes para sa wastong pag-iingat at disposisyon.
Patuloy na inaalam ng pulisya ang pagkakakilanlan ng lalaki at ang mga pangyayari bago siya namatay. Nanawagan din ang Southern Police District (SPD) sa sinumang may impormasyon tungkol sa kanya na makipag-ugnayan sa Pasay City Police Station, at hiniling sa publiko na iwasan muna ang mga haka-haka habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/MDS