MANILA, Philippines – Matagumpay na inilunsad ng Department of Health (DOH) Ilocos Region ang provincial launching ng Measles-Rubella Supplemental Immunization Activity (MRSIA) 2026 sa Bacnotan, La Union noong Agosto 12, 2026, kasama ang buong suporta ng mga lokal na pamahalaan, health workers at komunidad para sa iisang layunin: protektahan ang bawat bata sa pamamagitan ng bakuna.
Target ng programa na maabot ng rehiyon ang 95% sa pagbabakuna. Higit sa 200 na mga toddler ang nabakunahan sa mismong launching na ginanap sa Bacnotan Town Plaza.
“Kaisa kami ng ating mga LGU sa kampanyang ito. Patuloy na susuporta ang DOH Ilocos Region sa inyo, sa ating mga health workers, at makikipagtulungan sa mga komunidad hanggang maabot natin ang 95 percent na target,” ani OIC – Assistant Regional Director Rosario P. Pamintuan.
“Ang 95% vaccination target ay hindi lang numero, mga bata, pamilya, at komunidad ito nais nating protektahan laban sa tigdas at rubella,” diin pa niya.
Mahigpit ding ipinaalala ni Pamintuan sa mga magulang at tagapag-alaga na maging basehan ang tama at siyentipikong impormasyon sa mga desisyon tungkol sa kalusugan.
Nanawagan naman ang La Union Provincial Health Office sa mga magulang at tagapag-alaga na dalhin sa mga itinalagang vaccination sites ang mga batang edad 6-59 na buwan upang mabakunahan ng measles-rubella vaccine sa panahon ng kampanya.
Sa patuloy na suporta ng mga LGU at komunidad sa buong rehiyon, kumpiyansa ang DOH Ilocos Region na sa pamamagitan ng MRSIA 2026 ay mas maraming bata ang maaabot, mas maraming kaso ng tigdas at rubella ang maiiwasan, at mas mapapalapit ang rehiyon sa mas ligtas at mas malusog na kinabukasan. Jocelyn Tabangcura-Domenden