MANILA, Philippines – Sa botong 198 pabor, pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa House of Representatives ang House Bill No. 9605, o National Cybersecurity and Critical Information Infrastructure Protection Act of 2026 na tutugon sa mga banta tulad ng panlilinlang, pagnanakaw ng pagkakakilanlan, data breaches, ransomware, at mga cyberattack na maaaring sumira sa mga mahahalagang serbisyo.
Ayon kay House Speaker Faustino Dy ang panukala ay isa sa priority bills ng LEDAC na naglalayong palakasin ang depensa ng bansa laban sa mga cyberattack at protektahan ang mga kritikal na sistema at mahahalagang serbisyo mula sa dumaraming digital na banta.
“habang dumarami ang pagdepende ng ating mga buhay sa mga digital na sistema, mas lumalaki rin ang mga banta ng cyberattacks. Kaya kinikilala ng Kamara na kailangan nating palakasin ang kakayahan ng pamahalaan na protektahan ang ating mga kababayan laban sa mga bantang ito,” paliwanag ni Dy.
“Kung magkaroon ng cyberattack sa mga kritikal na sistemang ginagamit sa kuryente, telekomunikasyon, bangko, at iba pang mahahalagang serbisyo, posibleng libu-libong Pilipino ang maperwisyo. Kaya kailangan nating maging handa bago pa mangyari ang ganitong insidente.”dagdag pa ng lider ng Kamara.
Sa ilalim ng HB 9605 ay magtatatag ng National Cybersecurity Agency (NCSA) sa ilalim ng Office of the President bilang pangunahing ahensiya ng pamahalaan na responsable sa patakaran, pagpaplano, koordinasyon, at pagpapatupad ng pambansang cybersecurity.
Ang ahensiya ang magtatakda ng mga minimum cybersecurity standard, mag-a-audit sa critical information infrastructure, mag-uugnay ng mga tugon sa mga insidente sa cyber, at magpapalakas sa pagbabahagi ng impormasyon ukol sa mga banta.
Sa oras na maisabatas ay aatasan ang mga ensya ng pambansang pamahalaan, GOCC, at LGU na magpatupad ng mga minimum cybersecurity measure at lumikha o magtalaga ng mga Chief Information Security Officer.
“Maaaring teknikal ang cybersecurity pero simple ang layunin nito. Sa likod ng bawat system, bawat account, at bawat transaction ay isang Pilipinong umaasa na ligtas ang kanyang impormasyon at serbisyo. Iyan ang dapat nating protektahan,” paliwanag ni Dy.
Pinapalakas din ng HB 9605 ang pambansang kakayahan sa pagtugon sa mga insidente sa pamamagitan ng pagkakaroon ng National Computer Emergency Response Team at ng National Security Operations Center.
Sa pag-apruba ng HB 9605, naipasa na ng Kamara ang 28 mula sa 60 priority measures ng LEDAC. Gail Mendoza