Home METRO Caregiver, arestado sa pagnanakaw ng halos P600,000 sa senior PWD sa Makati

Caregiver, arestado sa pagnanakaw ng halos P600,000 sa senior PWD sa Makati

1
0

MANILA, Philippines – Inaresto sa Makati City ang isang caregiver matapos umanong magnakaw ng halos ₱600,000 na cash at alahas mula sa kanyang 77-anyos na employer na isang person with disability (PWD).

Ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO), nadakip ang suspek noong Miyerkules ng gabi, ilang oras matapos matuklasan ng pamilya ng biktima ang umano’y pagnanakaw sa Barangay San Antonio.

Tinatayang umabot sa ₱594,787 ang halaga ng mga nawawalang ari-arian, kabilang ang ₱294,787 na cash, isang gold bracelet, at isang gold ring na nagkakahalaga ng humigit-kumulang ₱300,000.

Nadiskubre ng pamilya ang insidente matapos suriin ang bag ng biktima at makita na ang sobre na dating may lamang pera ay napalitan ng mga puting papel na ginupit at binalot ng tape upang magmukhang makapal na salapi.

Nang komprontahin, inamin umano ng caregiver ang pagnanakaw. Nagpadala rin siya ng ₱15,000 sa pamamagitan ng GCash at isinuko ang kanyang iPhone bilang bahagi ng umano’y pagbabayad, ngunit hindi pa rin nabawi ang karamihan sa perang ninakaw at ang dalawang piraso ng alahas.

Nahaharap ang suspek sa kasong qualified theft at sumasailalim sa inquest proceedings habang inihahanda ang pormal na pagsasampa ng kaso.

Pinayuhan ng NCRPO ang publiko na magsagawa ng masusing background check at beripikasyon ng mga caregiver at iba pang domestic worker, lalo na ang nag-aalaga sa mga nakatatanda at PWD. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here