Home METRO 3 binatilyong nilamon rumaragasang ilog, todas

3 binatilyong nilamon rumaragasang ilog, todas

5
0

BULACAN, Philippines – Patay na nang matagpuan ang isang binata na napaulat na nawawala matapos tangayin ng rumaragasang ilog sa kasagsagan ng malakas na ulan dulot ng habagat sa lungsod San Jose Del Monte (SJDM) noong hapon ng Agosto 10.

Sa ulat ng pulisya, kinilala ang biktima na si alyas John, 17, binata, 1st year college student, residente ng Towerville, Brgy. Sto. Cristo.

Ayon sa ulat at batay na rin sa ina ng biktkma, nawala ang kanyang anak nang tangayin ng malakas na agos sa kasagsagan ng buhos ng ulan dulot ng habagat bandang 4:00 ng hapon sa ilog sakop ng Brgy. Sto Cristo.

Dahil dito, nagpatuloy ang rescue team sa paghahanap sa karugtong ng ilog hanggang sa matagpuan ang katawan ng biktima, hapon ng Agosto 12 sa ilog sakop ng Brgy. Parada, Sta Maria.

Nabatid na agad nakipagkoordinasyon ang mga awtoridad sa pamilya ng biktima para sa kaukulang dokumentasyon.

Sinasabing sinagip ng biktima ang isang indibiduwal na nalulunod  hanggang sa naligtas ito subalit siya ay sinawing palad nang tangayin ng malakas na agos at tuluyang nilamon ng nasabing ilog.

Kaugnay nito, natagpuan na rin ang dalawa pang napaulat na nawawala na sina Ronjean ng Brgy. Gaya-Gaya at Raizen ng Bagong Silang Caloocan kapwa 13 anyos nitong Huwebes, Agosto 13, sa bahagi ng Nagbalon, Marilao, ayon sa ulat ng City of SJDM Public Information Office.

Sinasabing si Ronjean ay inanod ng rumaragasang agos sa Happy Valley river, Brgy. Gaya-Gaya, SJDM habang si Raizen ay huling namataan sa ilog sa PH 10 Harmony, Caloocan noong Agosto 10.

Paulit-ulit at muling paalala ng mga awtoridad sa publiko na huwag lulusong, maligo at tumambay sa tabi ng mga ilog kapag unuulan lalo na kung mataas ang lebel ng tubig at malakas ang agos upang makaiwas sa mga hindi inaasahang insidente.

Sinasabing nagpaabot naman agad ng pakikiramay at paunang tulong ang lokal na pamahalaan sa mga pamilya ng biktima. (Dick Mirasol III)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here