Home OPINION TAMBAK NA BASURA DAHIL SA BASURANG MGA PINUNO

TAMBAK NA BASURA DAHIL SA BASURANG MGA PINUNO

1
0

NAKAKITA ng palusot ang mga nasa gobyerno sa nangyaring malawakang pagbaha kamakailan dulot ng pananalasa ng habagat at dalawang nagdaang bagyong Luis at Maymay. Imbes sa kanilang mga kapalpakan, isinisi nila ang malawak na pagbaha sa mga basura.
Tone-toneladang basura ang inanod ng tubig-baha diyan sa Baclaran Redemptorist Water Channel at lintek, napatunayan natin kung gaano kainutil ang mga namumuno sa ating gobyerno.

Noong bago ang mga bagyo at habagat, hindi natin nakita ang ating mga pinuno na nagpaplano ng mga gagawin para hindi magkaroon ng malalalim na pagbaha. ‘Yung iba, kumilos man ay ningas-kugon lang. Para masabing sila ay may ginawa. May pang-press release, ika nga.

Sa kasagsagan ng hagupit ng bagyo at habagat, lalong walang kumilos. Ewan natin ang iba pero ang karamihan ay hayahay sa kanilang mga mala-palasyong bahay na may masasarap na pagkain sa kanilang mga hapag.

Kaya karamihan sa atin ay pinasok ng tubig ang mga tahanan, natabunan ng mga gumuhong lupa at bato, nalunod sa ragasa ng baha at putik, walang makain, giniginaw habang basang-basa sa ulan at ang pinakasamasakit ay nawalan ng mahal sa buhay.
Umiiyak na lang ang karamihan. Iniisip kung papaano uli makababangon mula sa trahedya.

Nang sandaling humupa ang sakuna, saka nagsilabasan ang mga pinuno na may kasamang midya upang magpapogi at ilang supot na tulong.
‘Yung ating pinakapinuno, nalungkot kunwari sa tumambad sa kanyang tambak na basura sa Baclaran Water Channel. Nagtatanong: Saan daw nanggaling ang tambak na basura? Pailing-iling, paturo-turo pero sa huli ang sinisi ay kawalang disiplina raw ng mga tao sa pagtatapon ng basura.

Guilty naman talaga ang marami sa atin pagdating sa pagiging pasaway o kawalan ng disiplina sa basura. E sino ba ang dapat sumaway sa mga pasaway?

Pero tingin natin ay palusot na naman sa dilang palusot ang paninisi sa basura para muling mapagtakpan ang kanilang kabulastugan sa hindi matapos-tapos na isyu ng flood control project scandal.

Ang kawalan ng disiplina mismo ng malilikot ang kamay na mga pinuno sa pondo ng bayan ang dahilan kaya nariyan ang malawak na pagbaha at paglutang ng mga basura.

Maniniwala pa ba tayo sa kanilang palusot e hindi ba’t nag-aaway-away sila at nagpapatayan tungkol sa pangongolekta sa basura sapagkat alam nilang may malaking pera mula rito?

Nilulunod ang bansa ng baha at basura dahil ang ating mga lider ay puro rin basura at walang kwenta. Pwe!

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here