MAGIGING kawawa tayo lahat sa laki ng utang at pambabayad ng gobyernong Marcos na kinukurakot lang ng mga korap.
Ayon mismo sa Department of Budget and Management, sa katapusan ng taong ito, aabot sa P19.77 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas sa labas at loob ng bansa at sa 2027, lolobo pa sa P21.48 trilyon.
Dahil sa laki ng mga utang na ito, ngayong 2026, magbabayad ang gobyerno ng awtomatikong P950 bilyon para sa interes at P1.005 bilyon para sa principal.
Sa 2027, nilalaman ng panukalang badyet ang ₱1.59 trilyon bilang pambayad sa principal na utang na binubuo ng ₱1.34 trilyon mula sa loob ng bansa at ₱254 bilyon naman mula sa mga dayuhan.
Ang bayad-interes? ₱1.11 trilyon para sa kabuuan ngunit ₱812.4 bilyon ang para sa nasa loob ng bansa habang ₱301.9 bilyon para sa galing sa labas.
Magkano ang matitira para sa pangangailangan nating lahat, tayong nasa mahigit nang 110 milyong mamamayan?
Kung imemenos mo pa ang lalamunin, imamaleta o ibubulsa ng mga korap sa natitira at matitirang pondo, magkano na lang ang matitira para sana sa kagalingan natin?
Ayon sa mga nag-aaral ng takbo ng pamahalaan ngayon, itinodo ng mga korap ang kanilang pagnanakaw sa kaban ng bayan sa nakalipas na apat na taon at sampol dito ang nasa P1.3-P1.7 trilyon para lang sa flood control.
Dahil nagkabuking-buking lahat, pinalalabas nilang gusto nilang makabawi ang sambayanan sa pamamagitan ng pagbusisi umano sa panukalang pambansang badyet sa 2027 at maiwasan ang korapsyon.
Sa kabilang banda, mabilis na lumalapit ang halalang 2028 at tiyak na nagkukumahog ang maraming nakaupo sa gobyerno na mag-ipon para sa kanilang pangangampanya at kumita pa rin.
At karaniwang nanggagaling sa salaping bayan ang iipunin at pagkakakitaan ng mga korap.
Kahit ang mga hindi na tatakbo, malamang na ganito rin ang kanilang gagawin.
Saang bangin kaya tayo mahuhulog at hindi na mapupulot pa?






