Home METRO Pinsala sa mga kalsada sa Cordillera umabot na sa P1.45B

Pinsala sa mga kalsada sa Cordillera umabot na sa P1.45B

13
0

BENGUET, Philippines – Umabot na sa ₱1.45 bilyon ang paunang pinsala sa mga kalsada sa Cordillera dulot ng bagyong Luis, Maymay, at habagat, ayon sa DPWH-Cordillera.

Ayon kay Engr. Patrick Cerilo, 186 na bahagi ng kalsada ang naapektuhan sa buong rehiyon at 179 landslide na ang naitala mula noong simula ng Agosto. Kabilang sa mga sanhi ng pinsala ang landslide, road cut, road slip, at pagbagsak ng mga puno.

Lumampas na ang bilang ng landslide ngayong Agosto sa dating average na 160 landslide na naitala mula 2015 hanggang 2021, at karamihan ay nangyari sa Benguet.

Sa kasalukuyan, 13 bahagi ng kalsada ang nananatiling sarado, kabilang ang walong national road gaya ng Kennon Road (bukas lamang para sa mga residente), Baguio-Itogon Road, Benguet-Nueva Vizcaya Road, at iba pang pangunahing kalsada sa Benguet, Ifugao, Kalinga, Mountain Province, at Ilocos Sur.

Samantala, ang Gov. Bado Dangwa National Road sa Bakun, Benguet ay bukas lamang para sa light vehicles.

Patuloy ang clearing operations, paglalagay ng safety devices, at pagtatasa ng pinsala upang maihanda ang pagkukumpuni at pagpopondo.

Nanawagan ang DPWH sa publiko na iwasan ang hindi mahalagang biyahe dahil may posibilidad pa ring magkaroon ng panibagong landslide kahit humihina na ang epekto ng habagat. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here