MANILA, Philippines – Inaasahang malaki ang itataas ng presyo ng diesel at gasolina sa susunod na linggo dahil sa pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Batay sa pagtataya gamit ang Mean of Platts Singapore (MOPS) at foreign exchange averages noong Agosto 10–13, maaaring magkaroon ng mga sumusunod na dagdag-presyo:
–Diesel: tataas ng ₱3.75 hanggang ₱4.25 kada litro
–Gasolina: tataas ng ₱2.50 hanggang ₱3.00 kada litro
Ayon sa industry source, ang pagtaas ay dulot ng pagmahal ng langis sa world market matapos humina ang pag-asa sa posibleng peace deal at sa muling pagbubukas ng Strait of Hormuz, isang mahalagang daanan ng pandaigdigang suplay ng langis.
Nakapagpataas din ng presyo ang pagbaba ng global oil inventories, limitadong suplay mula sa Middle East, at nabawasang eksport ng Russia.
Gayunman, maaaring mabawasan ang laki ng pagtaas dahil sa mga palatandaan ng mahinang pandaigdigang demand at pagdami ng US crude inventories.
Karaniwang tuwing Lunes inaanunsyo ng mga kumpanya ng langis ang price adjustment, at tuwing Martes ito ipinatutupad. RNT/MDS