MANILA, Philippines – Humihiling ang legal team ni Vice President Sara Duterte ng oral arguments sa kanyang motion to quash kaugnay ng tatlong kasong grave threats na isinampa laban sa kanya sa Quezon City Regional Trial Court (RTC).
Ayon sa kanyang abogado na si Atty. Paul Lawrence Lim, mahalagang magkaroon ng oral arguments dahil maaaring magkaroon ng malawak na epekto ang kaso sa iba pang impeachable officials tulad ng Pangulo, Ombudsman, mga miyembro ng Constitutional Commissions, at mga mahistrado ng Korte Suprema.
Noong Agosto 11, naghain ang Department of Justice (DOJ) ng tatlong kasong grave threats laban kay Duterte dahil sa mga pahayag niya noong Nobyembre 2024 tungkol kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating House Speaker Martin Romualdez.
Nag-ugat ang kaso sa sinabi ni Duterte sa isang online press conference na nag-utos umano siya na patayin ang tatlo kung siya ay mapapatay. Inimbestigahan ito ng National Bureau of Investigation (NBI) at nagrekomenda ng pagsasampa ng kaso.
Nauna nang naghain ang depensa ng motion to quash batay sa umano’y kawalan ng hurisdiksyon ng korte.
Nilinaw rin ng kampo ni Duterte na wala pang pampublikong ulat na may inilabas na warrant of arrest laban sa Bise Presidente hanggang Agosto 14, at ang kasalukuyang usapin ay nakatuon pa lamang sa pagresolba ng korte sa kanyang motion to quash. RNT/MDS