MANILA, Philippines – Nanawagan ang kampo ni Vice President Sara Duterte kay Senate impeachment trial presiding officer Francis Escudero na linawin ang sub judice rule, na nagbabawal sa mga abogado at miyembro ng korte na talakayin sa publiko ang merito ng isang kaso.
Ayon kay Justin Gular, deputy spokesperson ng depensa, panahon na upang maglabas ng malinaw na gabay ang impeachment court kung ano ang itinuturing na paglabag sa Rule 18 ng Senate impeachment rules. Inaasahang maglalabas ng desisyon si Escudero tungkol sa usapin sa Lunes, Agosto 17.
Nag-ugat ang isyu matapos kuwestiyunin ng depensa ang isang Facebook post ng abogado ng prosekusyon na si Amando Ligutan, na tila tumutukoy sa isyu ng “misleading” questions sa cross-examination. Itinanggi ni Ligutan na may paglabag o masamang intensiyon ang kanyang post.
Sinabi ni Gular na hindi naghain ng pormal na mosyon ang depensa laban kay Ligutan dahil nagtitiwala sila sa magiging pasya ng impeachment court.
Nauna nang sinabi ni Escudero na inatasan niya ang clerk of court na subaybayan ang mga pampublikong pahayag ng mga abogado ng magkabilang panig, dahil may isang panig umano na ilang ulit nang lumalampas sa itinakdang hangganan.
Ayon pa kay Gular, malinaw ang pagbabawal sa pagtalakay sa merito ng kaso, ngunit may ilang bahagi ng patakaran na kailangan pang linawin ng korte. RNT/MDS