MANILA, Philippines – Isinailalim na sa state of calamity ang 47 lungsod at munisipalidad matapos maapektuhan ng habagat at ng Bagyong Luis at Maymay ang 4,344,354 katao o 1,253,010 pamilya sa 3,768 barangay sa buong bansa, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Apektado ang CAR, Ilocos Region, Cagayan Valley, NCR, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol, Western Visayas, at Zamboanga Peninsula.
Sa kabuuang bilang, 52,087 katao ang nasa 533 evacuation centers, habang 50,515 katao ang tinutulungan sa labas ng mga evacuation center.
Kabilang sa mga lugar na nasa state of calamity ang Dagupan City, Calumpit, Bulacan, buong Pampanga, Rodriguez, Rizal, at 23 lungsod at munisipalidad sa Cavite.
Naitala ang 21 namatay, 17 nasugatan, at tatlong nawawala. Pinakamaraming nasawi sa Benguet dahil sa mga landslide, habang may mga namatay rin sa Rizal at Batangas dahil sa rockslide, pagbagsak ng puno, pagkalunod, pagkakakuryente, at landslide.
Umabot sa 450 lugar ang binaha, kung saan 389 ay nasa Central Luzon. Sinuspinde rin ang klase sa 577 lugar at trabaho sa 443 lugar.
Inatasan ni PNP Chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang mga pulis na makipag-ugnayan sa mga paaralan at lokal na pamahalaan upang matulungan ang mga estudyanteng maaaring ma-stranded at dagdagan ang police visibility sa mga flood-prone areas.
Apektado rin ang 738 kalsada at 38 tulay, kung saan 165 kalsada at 13 tulay ang nananatiling hindi madaanan.
Nagkaroon din ng power interruption sa 87 lungsod at munisipalidad, at water interruption sa anim na lugar.
Tinatayang ₱390.95 milyon ang pinsala sa agrikultura at ₱3.32 bilyon ang pinsala sa imprastraktura. Umabot sa 1,460 bahay ang nasira, kung saan 110 ang tuluyang nawasak.
Sa ngayon, ₱507.85 milyon na halaga ng ayuda ang naipamahagi ng pamahalaan sa mga apektadong pamilya. RNT/MDS