MANILA, Philippines – Kinondena ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang inilabas na preliminary injunction ng Pasig RTC Branch 152 na muling humadlang sa implementasyon ng P85 wage hike sa National Capital Region.
Sa pahayag ni DOLE Secretary Francis Tolentino, sinabi nitong ang desisyon ng korte ay hindi lang pumipigil sa dagdag-sahod.
“Inaalis nito ang pagkain sa hapag ng mahigit isang milyong manggagawa sa Metro Manila at ng kanilang mga pamilya,” ani Tolentino.
Dagdag pa niya, ipinagkakait din ng nasabing desisyon ang kaginhawaang pinaghirapan at kailangang-kailangan ng mga manggagawa, lalo na ngayong mataas ang presyo ng bilihin.
Tiniyak ng kalihim na hindi palalagpasin ng Kagawaran ang pagharang sa wage increase.
Gagamitin aniya ang lahat ng legal na paraan upang labanan at maipawalang-bisa ang nasabing desisyon at ipagtatanggol ang karapatan at kapakanan ng mga manggagawa.
“Hindi pababayaan ng Kagawaran ang mga manggagawa. Lalaban hanggang masolusyunan ito at matanggap ng mga manggagawa ang nararapat para sa kanila.” giit ni Tolentino. Jocelyn Tabangcura-Domenden