BULACAN – Arestado ang isang lalaki nang mahulihan umano ng submachine gun/ grease gun-type sa Oplan Galugad ng mga awtoridad sa bayan ng Santa Maria nitong gabi ng Agosto 13.
Sa ulat ni PLTCOL Mark Louie Sigua, hepe ng Santa Maria police station, kinilala ang naarestong suspek na si alyas “Jes”, 38, residente ng Brgy. Tambubong, Bocaue
Ayon sa ulat, ikinasa ang paggalugad ng pulisya katuwang ang mga tauhan ng barangay bilang bahagi ng Joint Police-BPATs Mobilization bandang 11:38 ng gabi sa Northville 5A, Brgy. Caysio.
Nabatid na nang mamataan ng mga patrollers ang suspek na naglalakad na may dalang black sling bag ay kanilang nilapitan at kanilang inusisa.
Nagsabi itong inatasan lamang umano siyang dalhin ang nasabing bag at nang i-check ang laman ay tumambad umano ang isang improvised Caliber .22 submachine gun/grease gun-type firearm kasama ang magazine na may apat na bala.
Dahil dito, agad inaresto ang suspek at ipinaalam ang kanyang mga karapatang konstitusyonal habang ang nakumpiskang ebidensya ay dinala sa istasyon para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa Republic Act No.10591 na kasalukuyang nasa kustodiya ng nasabing istasyon. (Dick Mirasol III)