Home HOME BANNER STORY Trilyong utang ng bansa ‘di masama kung nagagamit sa tama – DBM

Trilyong utang ng bansa ‘di masama kung nagagamit sa tama – DBM

3
0

MANILA, Philippines – Sinabi ni Acting Budget Secretary Kim Robert de Leon na walang masama sa pagkakaroon ng trilyong pisong utang ang bansa basta’t ginagamit ito sa tamang proyekto at kayang bayaran ng pamahalaan.

Ayon kay De Leon, ang mahalaga ay hindi naaapektuhan ang mahahalagang programa at serbisyo ng gobyerno.

Noong Hunyo, umabot na sa ₱19.07 trilyon ang kabuuang utang ng Pilipinas.

Ipinaliwanag niya na ang mga inuutang ay ginagamit sa mga prayoridad na proyekto, lalo na sa malalaking imprastraktura tulad ng Metro Manila Subway, MRT-3 Rehabilitation Project, at North-South Commuter Railway Project, na inaasahang makaaakit ng mas maraming pamumuhunan at magpapalago ng ekonomiya.

Aniya, ang mga proyekto ng gobyerno ay hindi lamang gastusin kundi mga pamumuhunang inaasahang magbabalik ng benepisyo sa ekonomiya.

Para sa 2027, inaasahang makakalikom ang pamahalaan ng ₱5.2 trilyon at gagastos ng ₱6.9 trilyon mula sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang badyet. Dahil dito, inaasahang magkakaroon ng ₱1.7-trilyong budget deficit, na popondohan sa pamamagitan ng pangungutang.

Iginiit ni De Leon na nananatiling manageable ang utang ng bansa at inaasahang bababa pa ang debt-to-GDP ratio sa mga susunod na taon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here