MANILA, Philippines – Iginiit ng kampo ni Vice President Sara Duterte na hindi maaaring kasuhan sa regular na hukuman ang isang nakaupong Bise Presidente habang siya ay nasa puwesto, kaya humiling sila ng oral arguments sa kanilang motion to quash sa mga kasong grave threats na isinampa laban sa kanya sa Quezon City Regional Trial Court.
Ayon kay Atty. Paul Lawrence Lim, abogado ni Duterte sa mga kasong inihain ng Department of Justice (DOJ), ang kanilang argumento ay nakabatay sa kawalan ng hurisdiksyon ng korte.
“Maaaring kasuhan pero hindi habang nakaupo,” ani Lim, na nagsabing maaaring usigin ang isang impeachable official pagkatapos nitong bumaba sa puwesto.
Hiniling ng depensa na payagan ang magkabilang panig na maglahad ng oral arguments bago magpasya ang korte sa motion to quash.
Binigyang-diin ni Lim na ang isyu ay hindi lamang tungkol kay Duterte kundi maaari ring makaapekto sa iba pang impeachable officials, kabilang ang Pangulo, Ombudsman, mga miyembro ng Constitutional Commissions, at mga Mahistrado ng Korte Suprema.
Sinabi rin ni Lim na kung papayagan ang pag-usig sa isang nakaupong Bise Presidente, maaari itong maging precedent para sa iba pang opisyal na maaaring ma-impeach.
Tinanong din si Lim kung susuko si Duterte kung ibasura ng korte ang motion to quash at maglabas ng warrant of arrest, ngunit hindi niya isiniwalat ang susunod na hakbang ng depensa at sinabi lamang na may mga legal na remedyo silang maaaring gamitin.
Ayon sa kanya, handa si Duterte na harapin ang mga legal na proseso at nais nitong linisin ang kanyang pangalan.
Kung papaboran ng korte ang motion to quash, maaaring maibasura ang mga kaso. Kung hindi, maaari itong magpatuloy sa arraignment at paglilitis, depende sa mga susunod na legal na hakbang ng depensa. RNT/MDS