MANILA, Philippines – Ibinasura ng Sandiganbayan Third Division ang kasong graft laban kay Interior Undersecretary Jed Patrick Mabilog dahil sa “inordinate delay” o labis na pagkaantala sa paghahain ng kaso.
Pinaboran ng korte ang motion to quash ni Mabilog na inihain noong Oktubre 10, 2024. Ayon sa desisyon, tumagal ng mahigit pitong taon bago naisampa ng mga prosecutor ng Office of the Ombudsman ang kaso sa Sandiganbayan.
Inakusahan si Mabilog, na noo’y alkalde ng Iloilo City, na may direktang pinansyal na interes sa 3L Towering Services, kung saan umano siya nagbigay ng ₱500,000 bilang paunang puhunan. Ayon sa mga prosecutor, ang kumpanyang ito ay kinuha ng lokal na pamahalaan para sa clamping at towing ng mga iligal na nakaparadang sasakyan nang walang kompetitibong proseso.
Iginiit ni Mabilog na nilabag ang kanyang karapatan sa mabilis na pagresolba ng kaso. Bagama’t sinabi ng korte na sapat ang mga alegasyon sa impormasyon ng kaso, pinaboran nito ang argumento hinggil sa pagkaantala.
Ayon sa Sandiganbayan, nabigo ang Ombudsman na maipaliwanag ang halos walong taong pagkaantala, kaya ang nararapat na hakbang ay ang agad at permanenteng pagbasura ng kaso laban kay Mabilog.
Ang reklamo laban sa kanya ay inihain noong Abril 23, 2015, ngunit naisampa lamang ang kaso sa Sandiganbayan noong Mayo 19, 2022, o pitong taon, 10 buwan, at pitong araw matapos ang paghahain ng reklamo. RNT/MDS