MANILA, Phillipines – Sinabi ni Atty. Levito Baligod, abogado ng natitirang mga tinaguriang “maleta boys,” na maghahanda siya ng affidavit upang pabulaanan ang pahayag ng apat na kasamahan nilang bumawi sa kanilang mga naunang salaysay laban kina dating House Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co, at Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ayon kay Baligod, inimbitahan siya ng Office of the Ombudsman upang talakayin kung paano mapatitibay ang kaso at upang ipaliwanag ang mga pangyayari kaugnay ng pagbawi ng apat na testigo.
Ang dating 18 bodyguards, na nagsabing sila ay dating bodyguards ni Co, ay nag-akusa na naghatid sila ng mga maletang may lamang pera kina Co, Romualdez, at Marcos Jr. Kaugnay nito, iniimbestigahan ng Ombudsman ang umano’y P56 bilyong ill-gotten wealth mula 2022 hanggang 2025.
Tatlo sa apat na bumawi ng pahayag ang nagsabing napilitan umano silang pumirma sa mga inihandang affidavit at pinagbantaang kakasuhan kung tatanggi.
Bilang tugon, sinabi ni Baligod na ihahanda nila, kasama ang mga abogado ng Ombudsman, ang affidavit ng mga testigong nakasaksi sa question-and-answer proceedings upang ipakitang walang pananakot na ginawa ang mga abogado ng Ombudsman.
Gayunman, sinabi rin niyang matagal nang nakararanas ng banta at psychological at financial pressure ang apat na testigong bumawi ng kanilang mga pahayag.
Noong Pebrero, nagsumite si Baligod ng iisang joint affidavit ng 18 bodyguards sa Ombudsman, ngunit hiniling ng ahensya na maghain ang bawat isa ng hiwalay na affidavit. Sa 18, walo lamang ang nakapagsumite ng magkakahiwalay na affidavit, kabilang ang tatlo sa apat na kalaunang bumawi ng kanilang mga salaysay. RNT/MDS