Home NATIONWIDE Libreng digital textbooks, Wi-Fi, itinutulak sa mga kolehiyo

Libreng digital textbooks, Wi-Fi, itinutulak sa mga kolehiyo

1
0

MANILA, Philippines – Binigyang-diin ni House Speaker Bojie Dy ang malaking benepisyo sa edukasyon ng House Bill No. 9532 o “Universal Access to Digital Academic Learning Resources Act,” matapos itong maaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara.

Kapag naisabatas, magbibigay ang panukala ng libreng digital textbooks at iba pang academic resources, gayundin ng libreng high-speed Wi-Fi sa mga campus ng pampubliko at pribadong higher education institutions (HEIs).

Ayon kay Dy, maraming estudyante ang napipilitang mamili kung bibili ng libro, magpapaload para sa research, o gagamitin ang pera para sa pamasahe at pagkain.

Sa ilalim ng panukala, bubuo ang Commission on Higher Education (CHED), katuwang ang DICT at mga HEI, ng National Academic Content Repository (NACR) na magbibigay ng libreng online access sa digital textbooks, lecture videos, syllabi, research papers, at open educational resources sa iba’t ibang disiplina.

Inaatasan din ng panukala ang pagkakaroon ng libreng campus-wide high-speed Wi-Fi para sa mga estudyante at guro, na uunahin ang mga paaralan sa kanayunan at kulang sa pasilidad.

Inaprubahan ang HB No. 9532 sa 202 boto pabor, walang tutol at walang abstention.

Binigyang-diin ni Dy na hindi na dapat nakadepende ang kalidad ng edukasyon sa kakayahang bumili ng mamahaling libro o magbayad ng internet. Aniya, makatutulong din ang panukala sa paggawa at pagpapalaganap ng Filipino learning materials, na magpapalakas sa buong sistema ng higher education sa bansa. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here