Home METRO PCIC naghahanda ng P36M ayuda para sa mga magsasakang sinalanta ng bagyo

PCIC naghahanda ng P36M ayuda para sa mga magsasakang sinalanta ng bagyo

2
0

MANILA, Philippines – Sinabi ng Philippine Crop Insurance Corp.  (PCIC) na naghahanda na sila ng P36 milyon na insurance payout para sa 5,005 magsasaka na ang mga insured na sakahan ay napinsala ng mga Bagyong Luis at Maymay, gayundin ng habagat, mula Agosto 1 hanggang 11.

Sa kanyang inisyal na ulat kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr., sinabi ni PCIC President Jovy Bernabe na inatasan na ng state crop insurer ang mga regional office nito na magsagawa ng validation sa mga pinsala at pabilisin ang pagproseso ng mga claim.

Batay sa paunang pagtataya, umabot sa P35.67 milyon ang insured damage sa anim na rehiyon. Pinakamaraming magsasaka ang naapektuhan sa Region III na may 1,836, sinundan ng Region I na may 1,218 at Region IV-B na may 836.

Naitala sa region I ang pinakamalaking insured damage  na umabot sa P9.89 milyon, sinundan ng Region III na may P8.80 milyon at Region IV-B na may P7.56 milyon. Naitala naman sa Region IV-A ang tinatayang P5.04 milyong pinsala, habang P3.47 milyon at P0.92 milyon ang iniulat na pinsala sa Region II at Region VI, ayon sa pagkakasunod.

Kaugnay nito pinakamalaki sa insured losses ang pinsala sa palay, na umabot sa P25.60 milyon. Tinatayang P3.55 milyon naman ang pinsala sa mais at P3.73 milyon sa high-value crops.

Ayon kay Sec. Tiu Laurel, kailangang mabilis na makarating agad sa mga magsasaka at mangingisda ang tulong ng pamahalaan matapos ang mga kalamidad upang hindi mauwi sa pangmatagalang problema sa kabuhayan ang pansamantalang pagkalugi.

“Kailangan nating agad na tumugon sa pangangailangan ng ating mga magsasaka at mangingisda matapos ang bawat kalamidad upang mabilis silang makabangon at maipagpatuloy ang kanilang kabuhayan,” ani Tiu Laurel.

Samantala sinabi ng kalihim na mahalaga ang napapanahong ayuda lalo na para sa mga magsasakang umaasa sa bawat production cycle upang magkaroon ng kita at mapondohan ang susunod na taniman.

Ayon kay Bernabe, pinapalakas ng PCIC ang pagtugon nito upang mabilis na makabangon ang mga apektadong magsasaka. Ginagamit din aniya ng ahensya ang mga bagong teknolohiya upang mapabilis ang pagtatasa ng pinsala.

“Pinaiigting natin ang ating mga pagsisikap na masuri ang mga pinsala, maproseso ang mga claim, at mas mabilis na maihatid ang insurance assistance upang agad na makabangon ang ating mga magsasaka at makabalik sa produksyon,” ani Bernabe.

Bunsod nito inatasan ng PCIC ang mga regional office nito na patuloy na tulungan ang mga apektadong magsasaka at pabilisin ang pagproseso ng mga lehitimong claim.

Maaari pang magbago ang paunan assessment habang nagpapatuloy ang field validation, gayunman, ipinapakita na ng mga datos ang mahalagang papel ng crop insurance bilang tulong-pinansyal kapag naaantala ang operasyon sa mga sakahan dahil sa matitinding kondisyon ng panahon.

Para sa mga magsasaka, mahalaga ang timing. Ang mabilis na pagdating ng  ayuda ay makakatulong  para pondohan ang muling pagtatanim, palitan ang mga nasirang farm inputs, bayaran ang agarang gastusin, at maiwasang maapektuhan ng isang bigong ani ang susunod na production cycle. (Santi Celario)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here