Home METRO MDSW, hatid-tulong sa 17 pamilyang Manilenyo sa gitna ng Habagat

MDSW, hatid-tulong sa 17 pamilyang Manilenyo sa gitna ng Habagat

3
0

MANILA, Philippines – Sa kasagsagan ng walang tigil na pag-ulan dulot ng Habagat sa Metro Manila at mga karatig-probinsiya, hindi natinag ang lokal na pamahalaan ng Maynila sa paghahatid ng ayuda sa mga pamilyang nangangailangan.

Sa pamamagitan ng Manila Department of Social Welfare (MDSW), personal na isinagawa ang paghahatid ng tulong sa mga benepisyaryo sa kanilang mga tahanan upang matiyak na makararating ang ayuda sa mga nangangailangan.

Pinangunahan ni MDSW Director Jay Reyes Dela Fuente ang pamamahagi ng financial assistance sa 17 pamilya sa Maynila nitong mga nakaraang araw.

Kasama rin sa ipinamahaging ayuda ang grocery package na nagkakahalaga ng P700 para makatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga pamilyang benepisyaryo.

Bukod dito, nabigyan din ng financial assistance ang ilang pamilyang naapektuhan at nasiraan ng kanilang mga bahay dahil sa malalakas na hanging tumama kamakailan sa ilang lugar sa Tondo.

Isinagawa ang pagbibigay ng ayuda alinsunod sa direktiba ni Manila Mayor Francisco “Isko” Moreno Domagoso na agad na tugunan ang pangangailangan ng mga Manilenyong naapektuhan ng kalamidad at masamang panahon.

Sa kabila ng patuloy na buhos ng ulan, patuloy naman ang pagkilos ng MDSW upang maabot ang mga pamilyang nangangailangan ng tulong at suporta mula sa pamahalaang lungsod.

Asahan naman ng mga Manilenyo ang tuloy-tuloy na pagtugon ng lokal na pamahalaan at MDSW sa panahon ng kanilang pangangailangan, lalo na sa harap ng mga pagsubok na dulot ng masamang panahon. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here