MANILA, Philippines – Tila panibagong pork barrel ang nasilip ni Senador Panfilo Lacson na nakabaon sa P7.2 trilyong pambansang badyet sa 2027 bilang “lump sum appropriation” para sa infrastructure projects tulad ng flood control.
Sa pahayag, sinabi ni Lacson na nasilip nitong Sabado ang ilang “questionable” na lump-sum appropriations sa infrastructure projects ng isang ahensya ng gobyerno sa panukalang P7.2-trilyong pambansang budget sa 2027.
Dahil dito, sinabi ni Lacson na hihingi siya ng paliwanag o paglilinaw sa lahat ng kinauukulang opisyal.
Sinabi ni Lacson na maaari niyang pormal na ilahad ang isyu sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), na nakatakdang magsimula sa Agosto 27.
“Meron kaming nasilip kaming pwede i-question o i-clarify na lump sum appropriations na sa tingin namin hindi dapat lump sum. Pag sinabing lump sum, may item pero hindi malinaw paano iimplementa. Nandiyan ang halaga. Meron siyang description pero di namin alam saan at paano,” aniya sa isang panayam sa DZMM radio. Aniya, kailangan ang detalye o breakdown ng bawa’t program, activity o project.
“Ika-clarify namin kung saan at paano. Kung lump sum, dapat calamity fund kasi di natin alam kailan (nangyayari ang kalamidad). Kung infrastructure project, teka muna, kunan natin ng detalye. Bakit kayo mag lump sum kung papagawa kayo ng anuman, infrastructure projects? Yan isang nakita namin,” dagdag niya.
Sinimulan na ni Lacson at ng kanyang staff ang masusing pagsusuri sa National Expenditure Program (NEP) matapos itong maipadala sa dalawang kapulungan ng Kongreso nitong nakaraang linggo.
Sinabi niyang susuriin din nila ang NEP para sa mga special provision na maaaring gamitin upang malusutan ang mga limitasyon sa unprogrammed appropriations.
Binanggit ni Lacson ang isang nakaraang General Appropriations Act kung saan nagdagdag ang bicameral conference committee ng dalawang “highly questionable, even unconstitutional Special Provisions.” Kabilang sa mga probisyong ito ang may kinalaman sa government-owned and controlled corporations (GOCCs), gaya ng Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth), gayundin sa Foreign-Assisted Projects (FAPs). Inalis naman ang mga naturang probisyon sa mga sumunod na pambansang budget.
Muling iginiit ni Lacson na pananatilihin nila ang mga reporma sa proseso ng budget na sinimulan at in-adopt hanggang bicameral conference committee ni noo’y Senate finance committee chairman at ngayo’y Senate President Sherwin Gatchalian, kabilang ang livestreaming ng mga pagdinig ng bicameral conference committee at pagpo-post online ng mga dokumentong may kaugnayan sa proseso ng budget.
Ngayon pa lamang, sinabi niyang tiniyak sa kanya ni Senate finance committee chairman Jose Victor “JV” Ejercito na hindi niya pahihintulutan ang mga insertion sa antas ng bicameral conference committee na wala sa bersyon ng General Appropriations Bill ng Senado o Kamara.
“I hope this year under chairmanship of Sen JV, seatmate kami, talagang itaga sa bato gagawin niyang maayos. Sabi niya di niya papayagan gawin ng insertion sa bicam,” aniya.
Sinabi ni Lacson na tutugon ang naturang polisiya sa matagal nang problema sa bicameral conference committee, kung saan may mga probisyong wala sa bersyon ng General Appropriations Bill ng Senado o Kamara na naipapasok noon sa mga huling yugto ng proseso ng budget.
Muli ring iginiit ni Lacson ang kanyang adbokasiya na bigyan ng mas malaking papel ang local government units (LGUs) at local development councils (LDCs) sa proseso ng budget, kabilang ang kanyang panawagan sa Department of Budget and Management (DBM) na ayusin ang timing ng budget call nito upang matalakay at maisama sa NEP ang output ng local development councils sa pamamagitan ng mga Regional Development Councils.
Aniya, makatutulong ito upang matugunan ang malaking disconnect sa pagitan ng mga pangangailangan at prayoridad na tinutukoy ng mga lokal na opisyal at ng mga proyektong kalaunan ay naisasama sa pambansang budget, lalo na kapag humihingi ng pondo ang mga mambabatas nang hindi kumukonsulta sa mga kinauukulang lokal na opisyal.
Ibinahagi ni Lacson ang isang tunay na halimbawa mula sa isang fishing community sa Bicol, kung saan humingi ng tulong sa kanya ang mga lokal na mangingisda na kailangang gumamit ng “skateboard” o flatbed trolley para mag-“skate” sa riles ng tren, at sumakay ng tricycle at jeep bago makarating sa palengke dahil sa kawalan ng tulay. Matapos tumulong si Lacson na makakuha ng pondo para sa tulay, nabawasan ng tinatayang 45 minuto ang travel time.
Tinukoy din niya na layunin ng Executive Order 82 ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na inilabas noong Enero 2025, na palakasin at paigtingin ang partisipasyon ng regional development councils. Gayunman, sinabi ni Lacson na patuloy pa ring dagsa sa Senado ang maraming mayor, gobernador at iba pang lokal na opisyal upang humingi ng pondo para sa kanilang mga proyekto na hindi naisama sa NEP.
“I was hoping sana maisakatuparan (ang EO 82) pero mukhang di masyadong na-correct. This early ang daming nagpupunta na mayors, bumibisita sa Senate… kasi hindi humabol sa NEP. May disconnect talaga. Ito ang mula pa ng aking first term 20-plus years ago ito ang aking pinaglalaban… Bigyang pansin ang LDC (kasi) sila mas nakakaalam,” aniya. Ernie Reyes