CAVITE, Philippines – Isang Petition for Disqualification ang inihain sa Commission on Elections (COMELEC) laban kay Dasmariñas City Mayor Jennifer Austria-Barzaga, na kandidato sa pagka kongresista ng ikaapat na distrito ng Cavite sa special election sa darating na August 29, 2026.
Ang nasabing Petition ay Inihain umano noong Agosto 13, 2026 ni Atty. Marian Dupal-Ag Wooldridge, isang rehistradong botante ng Dasmariñas City, ang verified petition na nakabatay sa Section 68 ng Omnibus Election Code, kaugnay ng mga election offense at iba pang umiiral na batas at regulasyon sa halalan.
Ayon kay Dupal-Ag Wooldridge, layunin ng kanyang petisyon na mapangalagaan ang integridad, pagiging patas at pagiging walang kinikilingan ng nalalapit na special election.
Tatlong pangunahing usapin ang ipinasisiyasat ng petitioner.
Una, ang sinasabing conflict of interest kaugnay ng ₱50-milyong financial assistance/donasyon ng Dasmariñas City government sa COMELEC.
Iginiit ng petitioner na si Mayor Barzaga umano ang nag-instruct sa Sangguniang Panlungsod na gumawa ng resolusyon para sa naturang ₱50-milyong pondo, bago siya naging kandidato sa halalang pinangangasiwaan mismo ng COMELEC.
Dahil dito, nais ng petitioner na masusing busisiin ng poll body ang mga dokumento, resolusyon at proseso sa likod ng naturang pondo.
Ikalawa, ang pamamahagi umano ng relief goods at iba pang ayuda habang umiiral ang election period.
Ayon sa petitioner, dapat siyasatin kung ang paggamit ng public funds o government resources sa pagbibigay ng materyal na tulong sa mga botante ay maaaring pumasok sa mga ipinagbabawal na election-related acts, partikular kung may layuning maimpluwensiyahan ang kanilang boto.
Binigyang-diin niya na hindi sapat na tawaging “relief” o “ayuda” ang isang pamamahagi upang agad itong maihiwalay sa election offenses.
Aniya, dapat tingnan ang konteksto, timing, pinagmulan ng pondo, paraan ng pamamahagi at mga benepisyaryong tinarget.
Ikatlo, paggamit umano ng government resources para sa political activities.
Ipinapasisiyasat din ang sinasabing paggamit ng mga covered court, government facilities, barangay personnel at iba pang resources ng pamahalaan para sa mga caucus o aktibidad na may kaugnayan sa kampanya.
Giit ng petitioner, may seryosong legal at ethical implications ang paggamit ng government property, pasilidad at personnel para sa partisan political activities kung nagbibigay ito ng political advantage sa isang kandidato.
Samantala, nanawagan si Dupal-Ag sa COMELEC na patunayan ang pagiging impartial at independent nito sa paghawak sa kaso.
“Hindi ito personal na laban. Ito ay laban para sa isang halalang patas, malinis, at walang kinikilingan,” ayon sa kanyang pahayag.
Mahalagang tandaan na ang mga alegasyong nakapaloob sa petition ay mga paratang na kailangan pang suriin at patunayan sa proseso ng COMELEC.
Ang paghahain ng petition ay hindi nangangahulugang napatunayang lumabag na sa batas ang respondent.
Si Mayor Barzaga ay isa sa mga kandidato sa Agosto 29, 2026 special election para sa kinatawan ng Fourth Legislative District ng Cavite, na sumasaklaw sa Dasmariñas City.
Ngayon ay nakasalalay sa COMELEC ang masusing pagsusuri sa mga dokumento at ebidensiyang ihaharap ng magkabilang panig. MARGIE BAUTISTA







