Home NATIONWIDE 9 bulok, sira-sirang UV Express inimpound ng LTFRB

9 bulok, sira-sirang UV Express inimpound ng LTFRB

3
0

MANILA, Philippines – Nahuli sa pinaigting na kampanya ng pamahalaan laban sa sira-sira at dugyot na public utility vehicles (PUVs) ang siyam na unit ng UV Express, ayon sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) nitong Sabado, Agosto 16.

Sa kalatas, sinabi ng LTFRB na ang mga unit ay tinukoy ng Law Enforcement Unit matapos magtalaga ng mystery riders noong Agosto 12.

Ang mga inimpound na sasakyan ay karamihang bumibiyahe sa rutang Bulacan-Metro Manila.

“Dilapidated, untidy, and stinky PUVs have no place in the country’s public transportation system. Hindi na puwede ngayon ang okay pa, either the operators would shape up, or be shipped out,” sinabi ni LTFRB Chairman Atty. Vigor D. Mendoza II.

Dagdag pa, marami pang PUV ang inaasahang mahuhuli kung hindi ipapaayos ng mga operator ang kanilang sasakyan at patuloy na bibiyahe kahit sira-sira na.

Karamihan sa mga reklamong tinukoy ng mga mystery rider ay ang poor air-conditioning units, faded body markings, at hindi kaaya-ayang amoy sa loob ng sasakyan.

Naberipika naman ng ahensya ang mga reklamo sa siyam na PUV.

Nag-isyu ang LTFRB ng Show Cause Orders (SCOs) sa siyam na operator ng UV Express sa bigong pagbibigay ng komportableng serbisyo sa publiko.

Inatasan din ang mga ito an magpaliwanag kung bakit hindi dapat suspendihin o bawiin ang kanilang prangkisa.

Ayon sa ahensya, ang kanselasyon ng Certificate of Public Convenience (CPC) ay nangangahulugang ang operator ay hindi na papayagang mag-operate.

Bukod sa UV Express ay target din ng LTFRB ang mga madudumi, sira-sira at mabagong unit ng mga taxi, bus, jeepney, at ride-hailing services.

Sa pinakahuling inspeksyon ni Mendoza ay mayroong tatlong PUV sa Intramuros, Manila ang naisyuhan din ng SCO.

“We will do everything in our power to compel PUV operators to provide the best service they can give to the Filipino commuters because that is what they committed when they applied for the permit to operate,” ani Mendoza.

Hinimok din ng ahensya ang mga commuter na isumbong ang mga ganitong uri ng PUV. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here