Home NATIONWIDE Iran kay Trump: Strait of Hormuz mananatiling Iranian

Iran kay Trump: Strait of Hormuz mananatiling Iranian

1
0

IRAN – Iginiit ng Iran na mananatiling bahagi nito ang Strait of Hormuz matapos sabihin ni US President Donald Trump na idedeklara niya itong teritoryo ng Estados Unidos.

Ayon kay Iranian Deputy Foreign Minister Kazem Gharibabadi, ang mahalagang daluyan ng langis ay “Iranian” noon, ngayon at mananatiling Iranian.

“The Strait of Hormuz has been Iranian, is Iranian, and will remain Iranian,” ani Gharibabadi.

“This strait will only be closed and opened under Iran’s command,” dagdag niya.

Sinabi ni Trump sa isang political rally sa New York state nitong Biyernes na matapos talunin ng Estados Unidos ang Iran, “pretty soon I’ll be declaring the Hormuz Strait a territory of the United States.”

Gayunman, isang opisyal ng White House ang kalaunang nagpaliwanag na nagbibiro lamang umano si Trump, ayon sa ulat ng Wall Street Journal.

Noong nakaraang linggo, naglatag ang isang mataas na opisyal ng Iran ng mga kondisyon bago muling buksan ang Strait of Hormuz, kabilang ang pagtatapos ng “war and aggression” laban sa Iran at mga kaalyado nito sa Lebanon, Palestine, Yemen at Iraq.

Hiniling din ng Iran ang pagtatapos ng mga sanction, pagpapalaya sa mga nakapirmang asset nito at kompensasyon para sa pinsalang dulot ng digmaan.

Samantala, nagpapatuloy ang tensyon at mga insidente sa Strait of Hormuz, na nagdudulot ng panganib sa pandaigdigang maritime trade.

Iniulat ng state-owned oil company ng United Arab Emirates na ADNOC na isa sa mga sasakyang-dagat nito ang inatake noong Biyernes ng gabi. Kalaunan, sinisi ng Abu Dhabi ang Iran at inakusahan ang Islamic Revolutionary Guard Corps ng “acts of piracy.”

Bago ang digmaan, humigit-kumulang isang-lima ng pandaigdigang oil at liquefied natural gas exports ang dumaraan sa Strait of Hormuz. Dahil dito, ang patuloy na tensyon sa lugar ay nagdulot ng pagtaas ng presyo ng langis at dagdag na pressure sa ekonomiya.

Iginiit naman ng Iran na nais nitong kontrolin ang daluyan at maningil ng toll, isang hakbang na mariing tinututulan ng Estados Unidos.

Samantala, sinabi ni US Vice President JD Vance na pangunahing prayoridad ng Washington sa digmaan ang pagpapanatiling mababa ng presyo ng enerhiya para sa mga Amerikano, habang pangalawa ang pagpigil sa Iran na makakuha ng nuclear weapon.

Ayon sa ulat, nakipagkasundo na rin ang Iran at Oman sa isang ruta para sa mga barkong dadaan sa Strait of Hormuz at tinatapos na lamang ang mga kaayusan para sa magkasanib na pamamahala sa daluyan. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here