MANILA, Philippines – Naglaan ang Department of Agriculture (DA) ng P2 milyon na suporta sa Balang-balang Banana Farmers Agriculture Cooperative (BABAFAC) sa Remedios T. Romualdez, Agusan del Norte para sa pagsisimula ng swine production enterprise.
Ayon sa DA-Caraga, bahagi ang pondo ng Livestock Economic Enterprise Development (LEED) Program at layuning tulungan ang kooperatiba na mapalawak ang kanilang mga pinagkakakitaan.
Mula sa pagiging nakatuon sa banana production, pinalawak ng BABAFAC ang kanilang operasyon sa banana chips processing at egg production sa tulong ng DA-Special Area for Agricultural Development (SAAD) Program.
Noong 2024, nakatanggap ang kooperatiba ng mga pataba, farm implements at equipment para sa paggawa ng banana chips. Nakakuha rin ito ng 192 ready-to-lay hens, feeds at iba pang inputs para sa egg production.
Ayon kay BABAFAC Chair Guillermo Gumatay, malaking tulong ang mga programa ng pamahalaan sa 30 miyembro ng kooperatiba dahil nakapagbenta na sila ng kanilang mga produkto hindi lamang sa kanilang bayan kundi maging sa iba pang bahagi ng Agusan del Norte.
Ngayong taon, nagpasya ang kooperatiba na pasukin ang hog production dahil sa mataas na demand para sa baboy sa mga pamilihan.
Noong Huwebes, pormal na itinurn-over ni DA-Caraga Executive Director Ricardo Oñate Jr. ang P2 milyon sa lokal na pamahalaan ng RTR para sa swine production project ng BABAFAC.
Sinabi ng DA-Caraga na ang bagong enterprise ay mahalagang hakbang sa pag-unlad ng kooperatiba, na mula sa pagiging grupo ng mga magsasaka ay nagiging diversified community-based enterprise na may iba’t ibang pinagkukunan ng kita.
Nagpasalamat naman si Gumatay sa patuloy na suporta at paggabay ng pamahalaan, partikular ng DA, at tiniyak na magsisikap ang mga miyembro upang maging matagumpay ang bagong hog enterprise. RNT/JGC