Home METRO Pinsala sa agrikultura dahil sa Habagat, bagyo umabot na sa P1.03B

Pinsala sa agrikultura dahil sa Habagat, bagyo umabot na sa P1.03B

12
0

MANILA, Philippines – Umabot na sa P1.03 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa habagat at mga bagyong Luis at Maymay, ayon sa Department of Agriculture (DA) nitong Lunes.

Batay sa patuloy na pagsusuri ng mga regional office, naapektuhan ang 25,662 ektarya ng mga sakahan sa Cordillera Administrative Region, Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, at Western Visayas.

Pinakamalaki ang pinsala sa palay na umabot sa P589.44 milyon, habang P313.07 milyon naman ang naitalang pagkalugi sa high-value crops tulad ng gulay, spices, legumes, prutas, root crops at ornamental crops.

Nakapagtala rin ng P46.24 milyon na pinsala sa mais, habang P47.86 milyon ang pinsala sa irrigation facilities at P15.21 milyon sa farm structures. May P80,000 ding pinsala sa mga makinarya at kagamitan.

Umabot naman sa P786,250 ang pagkalugi sa livestock gaya ng manok, baboy, baka, kalabaw, kambing, tupa, bibe, kabayo, pugo at pabo. Nalugi rin ng P9.26 milyon ang fisheries at aquatic resources at P954,270 ang cassava production.

Sa kabuuan, tinatayang 25,280 metric tons ng agricultural production ang nawala. Apektado naman ang tinatayang 30,073 magsasaka.

Para makatulong sa mga apektadong magsasaka, maaaring ipamahagi ang P177.67 milyon halaga ng agricultural inputs gaya ng binhi ng palay, mais at gulay. Maaari rin silang umutang ng hanggang P25,000 sa ilalim ng Survival and Recovery (SURE) Loan Program ng Agricultural Credit Policy Council (ACPC).

Samantala, mamamahagi ang National Food Authority ng 1,007 sako ng palay-milled rice sa mga apektadong lokal na pamahalaan sa La Union at Batanes.

Nauna nang inaprubahan ng House of Representatives ang isang panukalang batas na magpapalawak sa insurance services ng Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) upang mas maprotektahan ang mga magsasaka at mangingisda laban sa pinsalang dulot ng kalamidad, sakit at iba pang panganib.

Kapag naging batas, isasama sa insurance coverage ang livestock, fisheries at aquaculture, agroforestry projects, forest plantations, at mga non-crop agricultural assets gaya ng makinarya at kagamitan. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here