MANILA, Philippines – Isusulong ng Department of Tourism (DOT) ang mga lokal na pamamaraan ng pangangalagang pangkalusugan at tradisyunal na gamot upang makahikayat ng mas maraming dayuhang turista at mahikayat silang magtagal sa bansa.
Batay sa datos ng Global Wellness Institute (GWI), umabot sa $47.3 bilyon ang wellness economy ng Pilipinas noong 2024, na naglagay sa bansa sa ika-23 sa buong mundo at ika-8 sa Asia-Pacific region.
Ayon kay Tourism Secretary Dita Angara-Mathay, layunin ng DOT na makakuha ng mas malaking bahagi sa lumalawak na merkado sa pamamagitan ng pagpapalakas ng healthcare at wellness tourism.
Kabilang sa mga isinusulong ng ahensya ang tradisyunal na hilot at mga produktong gawa sa mga lokal na sangkap. Bibigyang-pansin din ang physical therapy, rehabilitation, preventive health, longevity, fertility at reproductive health, dental at eye care, at iba pang espesyalisadong serbisyong pangkalusugan.
“We want to develop a stronger health and wellness sector that attracts investment, creates jobs, expands regional capacity, and improves services for Filipinos,” ani Angara-Mathay.
Binigyang-diin niya na kailangan ang isang pinagsama-samang sistema na nag-uugnay sa healthcare, hospitality, imprastraktura at teknolohiya upang matiyak ang de-kalidad at madaling ma-access na serbisyo, gayundin ang maayos na karanasan ng mga pasyente.
Noong Setyembre 2026, kabilang sa accreditation network ng DOT ang 13 ospital, 21 ambulatory clinic, 10 dental clinic at 63 spa. Mayroon ding anim na ospital sa bansa na kinikilala ng Joint Commission International (JCI), na nagsisilbing pundasyon sa pagpapalawak ng presensya ng Pilipinas sa pandaigdigang health tourism market.
Nanawagan ang kalihim sa mga lider ng negosyo, mamumuhunan, mambabatas at iba pang stakeholder na mamuhunan sa lumalawak na sektor ng health tourism.
“We invite investors to look at the full range of opportunities: healthcare facilities, diagnostics, digital health, rehabilitation, wellness, hospitality, and long-stay communities,” aniya.
Dagdag pa niya, “The greatest potential lies in connecting these services so that patients can receive care and support throughout their journey.”
Bagama’t hindi direktang nagbibigay ng serbisyong medikal ang DOT, nakikipagtulungan ito sa mga stakeholder upang matugunan ang mga kakulangan sa imprastraktura ng turismo at mga serbisyong sumusuporta sa healthcare, lalo na sa pamamagitan ng public-private partnerships.
Binigyang-halimbawa ni Angara-Mathay ang isang pasyenteng tumatanggap ng espesyalisadong paggamot sa isang malaking medical center, nagpapatuloy ng rehabilitasyon sa kalapit na pasilidad, at nananatili sa de-kalidad na akomodasyon kasama ang pamilya habang may access sa angkop na nutrisyon, wellness at libangan.
Ayon sa kalihim, ang ganitong modelo ay lilikha ng mga oportunidad para sa mga ospital, rehabilitation facility, wellness center, hotel, serviced residence, diagnostic center, restaurant, transportasyon at digital health provider. RNT/MDS