Home METRO P686K tobats nasamsam sa 2 suspek sa Sultan Kudarat

P686K tobats nasamsam sa 2 suspek sa Sultan Kudarat

3
0

SULTAN KUDARAT, Philippines — Dalawang hinihinalang drug personality ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Sultan Kudarat noong Sabado, Agosto 15, kung saan kabuuang P686,800 halaga ng suspected shabu ang nakumpiska.

Sa Esperanza, naaresto ng pulisya ang isang umano’y high-value drug personality sa buy-bust operation bandang alas-12:10 ng madaling-araw sa Purok New Passi, Barangay Dukay.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Jan-Jan,” residente ng Barangay Labangal, General Santos City. Nahuli umano siyang nagbebenta ng shabu.

Narekober sa kanya ang P4,500 marked money at isang pulang C4 Mirage na may plakang MBD1120, na umano’y ginagamit sa pagdadala ng droga mula Maguindanao del Norte.

Nasamsam din ang isang maliit at isang jumbo sachet ng suspected shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P346,800, kasama ang weighing scale, mga identification card at improvised tooter.

Dinala ang mga nakumpiskang item sa Sultan Kudarat Provincial Forensic Unit para sa pagsusuri. Nakakulong ang suspek sa Esperanza police station at haharap sa mga kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Samantala, sa Tacurong City, naaresto naman ng PDEA-12 at city police ang isa pang hinihinalang drug pusher at nasamsam ang humigit-kumulang 50 gramo ng suspected shabu.

Naganap ang operasyon bandang alas-9:05 ng umaga sa Sitio Dos, Don Enrique, Barangay EJC Montilla.

Kinilala ang suspek sa alyas na “Bulhog,” isang motorcycle driver at residente ng Barangay Fatima, General Santos City.

Narekober sa kanya ang heat-sealed sachet na naglalaman ng humigit-kumulang 50 gramo ng suspected shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P340,000, pati ang buy-bust money at iba pang non-drug evidence.

Haharap si “Bulhog” sa reklamo sa paglabag sa Section 5, Article II ng RA 9165 o pagbebenta ng ilegal na droga.

Ayon sa PDEA-12, magpapatuloy ang kanilang operasyon at pakikipag-ugnayan sa iba pang law enforcement agencies upang labanan ang pagkalat ng ilegal na droga sa mga komunidad sa rehiyon. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here