MANILA, Philippines – Muling inulit ng Malakanyang na hindi alam ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang isiniwalat ni dating kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na si Manuel Bonoan tungkol sa umano’y ₱24-bilyong “leadership fund” na inilaan noon para sa mga senador.
Iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na hindi kailanman naging bahagi ang “leadership fund” ng budget na nilagdaan ng Pangulo upang maging ganap na batas.
“Kung mayron man silang pag-uusap among themselves dito sa DPWH, hindi po ito kailanman naging programa ng Pangulo. At hindi po nakalagay ang ‘leadership fund’ sa GAA [General Appropriations Act]. Iyan din po ang itinanong natin mismo sa DBM [Department of Budget and Management]. Wala pong leadership fund dito sa GAA,” ayon kay Castro.
Tinukoy ang di umano’y kamakailan na pakikipag-usap kay Pangulong Marcos, sinabi ni Castro na na sa tuwing nakikipag-usap ang Pangulo kay Bonoan at humingi ng report, partikular na tinatanong ng Pangulo ang tungkol sa proyekto na labis na kailangan sa isang partikular na lugar.
“Ang utos nga niya ay dapat maging maayos ang lahat ng proyekto. Ayaw kong sabihing pinagalitan si Secretary Manny Bonoan, pero noong huli kaming nag-usap ng Pangulo sa mukha niya, iyon ang gusto niyang sabihin kay Secretary Manny Bonoan ‘ayusin mo ang trabaho,” ang winika ni Castro.
Samantala, sinabi pa ni Castro na wala pang pag-uusap kung ikokonsiderang state witness si Bonoan.
“Depende na po iyan sa korte, depende na po iyan sa prosecution, sa Ombudsman, sa state prosecutors, pero hindi po napag-uusapan ang patungkol sa isyu kugn kinakailangang maging state witness si Secretary Manny Bonoan,” ang tinuran ni Castro. (KRIS JOSE)