MANILA, Philippines – Nangako si House Committee on Appropriations Chairperson at Nueva Ecija 1st District Rep. Mikaela Angela Suansing na ipagpapatuloy ng Kamara ang mga pro-transparency reform sa pagdinig ng ₱7.2-trillion 2027 National Expenditure Program (NEP).
Sa simula ng committee-level deliberations sa budget kasama ang Development Budget Coordination Committee (DBCC), iginiit ni Suansing na mananatiling bukas sa publiko ang bawat hakbang sa pagbalangkas ng budget.
“Ipapakita kung saan napupunta ang bawat piso ng buwis na mula sa dugo at pawis ng bawat Pilipino,” ani Suansing.
Aniya, ang pagbabagong sinimulan noong nakaraang taon dulot ng flood control corruption scandal ay lalo pang pagbubutihin para sa 2027 budget cycle.
Kabilang sa mga repormang patuloy na ipatutupad ay ang mga sumusunud:
Abolisyon ng “Small Committee”:- Tinanggal na ang dating lihim na komite at pinalitan ng Budget Amendments Review Sub-committee (BARSc).
Live-streamed at Line-by-Line Amendments kung saan lahat ng deliberasyon ng BARSc, committee hearings, at plenary sessions ay ipapalabas nang live, kung saan makikita ang bawat pagbabago nang line-by-line.
People’s Budget Review, mas pinalakas na partisipasyon ng Civil Society Organizations (CSOs) sa pagsusuri ng pondo.
Bicameral Openness o pagbubukas at pag-livestream sa anim na araw na Bicameral Conference Committee proceedings para sa transparency.
Binigyang-diin ng mambabatas na ang ₱7.2 trilyon spending plan para sa 2027 ang pinakamalaking pondo sa kasaysayan ng bansa, kaya nararapat lamang na ibalik sa gitna ng proseso ang mismong mamamayang Pilipino. Gail Mendoza