MANILA, Philippines – Maghahain ng motion for reconsideration ang Department of Labor and Employment (DOLE) para ipawalang-bisa ang utos ng korte sa Pasig na humahadlang sa implementasyon ng P85 na umento sa sahod sa Metro Manila.
Inanunsyo ito ni Labor Sec.Francis Tolentino sa ginanap na Ibalong Job Fair.
Ayon kay Tolentino, makikipagtulungan ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Office of the Solicitor General para aksyunan ang utos ng Pasig City Regional Trial Court Branch 152.
Nauna nang naglabas ang korte ng temporary restraining order laban sa Wage Order No. NCR-27 matapos ikwestyon ito ng dalawang construction company.
Sumunod dito ang paglalabas ng writ of preliminary injunction, kaya nanatiling naka-hold ang umento sa sahod.
Nasa Wage Order ang P85 na dagdag sa daily minimum wage sa Metro Manila, na liipatutupad sa dalawang tranche.
Ang unang P60 ay dapat magsimula noong Hulyo 25, at ang kasunod na P25 ay sa Enero 20, 2027.
Dumalo rin si Tolentino sa TULONG PANGHANAPBUHAY SA ATING DISADVANTAGED/DISPLACED WORKERS (TUPAD) orientation sa Embarcadero sa Legazpi kasama sina Ako Bicol Party List Rep. Alfredo Garbin Jr. at Mayor Hisham Ismail.
Sinabi ng kalihim na magsasagawa ang DOLE ng job fairs kada buwan sa iba’t ibang bahagi ng bansa para makatulong na bawasan ang unemployment at makapagbigay ng mas maraming oportunidad sa mga naghahanap ng trabaho.
Hinimok din niya ang mga pribadong kumpanya na gumawa ng mga employment opportunities para sa mga job seeker.
Sinabi rin ni Tolentino na palalakasin ng gobyerno, katuwang ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), ang mga upskilling at retraining program para i-match ang skills ng mga manggagawa sa mga available na trabaho. Jocelyn Tabangcura-Domenden