MANILA, Philippines – Hinikayat ng Malakanyang ang publiko na i-report ang anumang pang-aabuso o iregularidad sa pagpili ng magiging benepisaryo ng Presidential Scholarship Program.
Sinabi ni Palace Press Officer at Communications Undersecretary Claire Castro, ang mga reklamo na may kinalaman sa scholarship program ay maaaring i-report sa Liga ng mga Barangay national office, Department of the Interior and Local Government (DILG), Presidential Communications Office (PCO), o Office of the President (OP).
“Ang mga ganyang klaseng reklamo ay wine-welcome natin at tinatanggap natin dahil kailangan talaga ng ayudang ibinibigay ng Pangulo at ng pamahalaan at ng local government units natin ay makarating sa tama,” ayon kay Castro.
Tugon ito ni Castro nang tanungin ukol sa social media post na may kinalaman sa anak ng barangay official na napaulat na nakatangap ng scholarship sa ilalim ng programa.
Gayunman, nagbabala naman si Castro laban sa kaagad na panghuhusga laban sa benepisaryo, sabay sabing ang mga kamag-anak ng barangay officials ay hindi naman awtomatikong disqualified na makatanggap ng tulong subalit kailangan na ma-meet ng mga ito ang requirements na kinakailangan para sa programa.
“Basta deserving at kailangan iyong kanyang requirements bilang deserving student ay naabot. So, iyon lang po naman ang gusto ng Pangulo,” ang sinabi ni Castro.
Aniya pa, ang gobyerno ay mayroong mekanismo para i-screen at pumili ng kuwalipikadong benepisaryo.
Sa ilalim ng criteria ng programa, ang benepisaryo ay kailangan na graduating college students na nanganganib na mag- drop out dahil sa financial difficulties.
Sinabi pa ni Castro, ang mga iskolar ay pinili ng mga opisyal ng barangay kasama ang education committee ng Sangguniang Barangay. ang OP ang nagpapatupad ng programa sa pakikipagtulungan sa Liga ng mga Barangay national office at DILG.
Binigyang diin ni Castro na nais ng Pangulo na ang scholarship program ay umabot sa nararapat na estudyante sa iba’t ibang panig ng bansa, partikular na sa remote communities na nais na makapagtapos ng kanillang pag-aaral subalit kapos sa pinansiyal. (KRIS JOSE)