MANILA, Philippines — Umabot sa 138 millimeters ang ulan na bumuhos sa loob lamang ng dalawang oras sa Metro Manila nitong Lunes, Agosto 17, dahilan para mabilis na tumaas ang tubig sa ilang lansangan, ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Batay sa datos ng PAGASA Science Garden Station sa Quezon City na ibinahagi ng MMDA, kabuuang 201.7 mm na ulan ang naitala mula alas-9 ng umaga hanggang alas-2 ng hapon.
Sa kabuuang rainfall, 138 mm ang bumagsak mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-2 ng hapon.
Para mailarawan ang tindi ng buhos, ang 138 millimeters na ulan ay katumbas ng 138 litro ng tubig sa bawat square meter. Sa isang 100-square-meter na lote, katumbas ito ng halos 700 karaniwang blue water containers na tig-20 litro, na parang sabay-sabay na ibinuhos sa loob lamang ng dalawang oras.
Nagpakalat naman ang MMDA ng ahensya ng flood control personnel sa mga apektadong lugar upang alisin ang mga bara sa drainage at mapabilis ang paghupa ng baha.
Pinayuhan naman ang publiko na bantayan ang pinakahuling flood at traffic advisories sa official channels ng MMDA. Maaari ring tumawag sa hotline 136 para sa impormasyon at assistance. Dave Baluyot